Bata Source: PCO

Sen. Win: Tiyakin kaligtasan ng mga batang apektado ni ‘Kristine’

67 Views

HINIMOK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang mga ahensya ng pamahalaan at mga local government units (LGUs) na tiyakin ang kaligtasan ng mga batang apektado ng bagyo kasunod ng paghagupit ng bagyong Kristine.

Binigyang-diin ni Gatchalian na sa ilalim ng Comprehensive Emergency Program for Children (CEPC) na nilikha sa pamamagitan ng Children’s Emergency Relief and Protection Act (Republic Act No. 10821), tungkulin ng Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga sumusunod: tiyaking nasa ligtas na mga espasyo ang mga bata; na natutugunan ang kanilang pangangailangan sa kalusugan, nutrisyon, at kalinisan; na may natatanggap silang psychosocial support; agarang magpapatuloy ang mga klase sa akmang panahon, at iba pa.

Ayon sa DepEd, mahigit 18.6 milyong mag-aaral sa halos 35,973 paaralan ang apektado ng bagyo.

Iniulat din ng DepEd na 223 na mga silid-aralan ang tuluyang nasira, habang 415 ang bahagyang nasira dahil sa bagyong Kristine.

Lumalabas mula sa pinakahuling datos ng DepEd na umabot sa P765 milyon ang halaga ng danyos sa imprastraktura, P557.5 milyon para sa reconstruction at P207.5 million para sa major repairs.

“Malinaw sa datos at sa ating karanasan na sa panahon ng kalamidad, humaharap sa matinding panganib ang mga kabataan.

Dahil dito, mahalagang bigyan natin ng prayoridad ang kanilang kaligtasan at kapakanan, kabilang ang ligtas na pagpapatuloy ng edukasyon, sa gitna ng pananalasa ng bagyo at sa ating pagbangon mula sa pinsala ng kalamidad,” ani Gatchalian.

Inaasahan ng senador ang pagsasabatas ng Ligtas Pinoy Center Act (Senate Bill No. 2451), isang panukala na isa siya sa mga may akda.

Isinusulong ng panukalang batas ang pagkakaroon ng evacuation center sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa.

Sa ilalim ng naturang panukala, kabilang sa magiging mga pasilidad ng evacuation center ang mga ligtas na espasyo para sa mga kabataan at kababaihan.

Dagdag pa ni Gatchalian, makatutulong ang panukalang batas upang maiwasan ang paggamit sa mga silid-aralan bilang evacuation sites.