Calendar

Sen. Win umaasang dadami rin kuntento sa SHS, K-12
DAPAT mabigyang halaga sa murang kaisipan ng mga kabataan ang importansiya ng pamilya.
Ito ang sinabi ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian sa Department of Education (DepEd) kaugnay ng mga panukalang reporma sa Senior High School (SHS) Program sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education noong Mayo 8, 2025.
Sa naturang pagdinig, inilunsad ng DepEd ang pinatibay nitong bersyon ng SHS curriculum na inaasahang ipapatupad sa pilot rollout para sa School Year 2025–2026 sa 727 paaralan sa buong bansa.
Sinalubong ito ng pagdududa ni Gatchalian kung tunay bang matutupad ng bagong programang ito ang mga pangako ng K-12 system, lalo na sa aspeto ng kahandaan sa kolehiyo, pinansyal na kaginhawaan ng mga pamilya, at patas na pagpapatupad sa iba’t ibang rehiyon.
Ipinunto ni Gatchalian na 33 porsyento lamang ng mga respondent ang nagsabing sila’y nasisiyahan sa kasalukuyang SHS program, samantalang 40 porsyento ang nagsabing sila’y hindi nasisiyahan.
Binigyang-diin ng senador na maraming magulang ang patuloy na gumagastos para sa mga dagdag na pangangailangan ng kanilang mga anak—gaya ng uniporme, pamasahe, at iba pang bayarin—ngunit wala naman silang nakikitang direktang kapalit gaya ng mas maikling panahon sa kolehiyo o mas maayos na oportunidad sa trabaho.
Kabilang din sa kinuwestiyon ng senador ang patuloy na pagkakaroon ng bridging programs sa kolehiyo.
Giit niya, kung epektibo ang dalawang taon sa senior high school, hindi na dapat inuulit pa ng mga estudyante ang mga asignaturang natutunan na nila.
“The SHS curriculum should address readiness so that no bridging program is required anymore. Two years is a long time. Students should be ready for college without repeating the same subjects,” aniya.
Sa pagtugon, inamin ng DepEd na hindi sapat ang limang pangunahing asignatura sa bagong kurikulum—Effective Communication, Life Skills, General Mathematics, General Science at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino—upang maging ganap na handa ang mga mag-aaral sa kolehiyo.
Ayon kay DepEd Undersecretary Gina Gonong, importante ang elective subject na maituturing na karagdagan kaalaman para sa maraming kabataan.
“The five proposed core subjects are not enough for students to be college ready. They need to take electives,” anito.
Pinuna rin ni Gatchalian ang pagpili ng mga paaralang isasama sa pilot implementation. Mula sa 727 paaralan, 20 lamang ang mula sa mga rural na bayan.
Ayon sa senador, mas matindi ang mga hamong kinakaharap ng mga paaralan sa kanayunan—kabilang ang kakulangan sa guro, kakulangan sa kagamitan, at limitadong access sa mga industry partner para sa work immersion.
Ipinaliwanag naman ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma na ang mga paaralan ay pinili batay sa readiness index.
Kinumpirma rin niya na katuwang ng DepEd ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS) sa pagsusuri ng implementasyon.
Gayunpaman, binigyang-babala ng mga kritiko gaya ni Fr. Onofre Inocencio ang kakulangan ng malinaw na framework, pamagat, at methodology ng pilot study.
Sumang-ayon si Gatchalian at iginiit na kailangang mas malalim pang pag-aralan ang kalidad ng pananaliksik.
Bilang paalala sa orihinal na layunin ng K-12, inalala ni Gatchalian ang pahayag noong 2012 ni dating DepEd Undersecretary Yolanda Quijano, kung saan sinabi nitong ang karagdagang dalawang taon sa high school ay magreresulta sa mas maikling pananatili sa kolehiyo.
Ayon sa senador, “This is a personal advocacy for me now—to fulfill the promise we made 13 years ago. Because part of dissatisfaction is not keeping your promises.”
Sa kabila ng kanyang matitinding puna, kinilala ni Gatchalian na bahagyang bumaba ang antas ng dissatisfaction sa SHS mula nang matapos ang pandemya. Iniuugnay niya ito sa mga kamakailang reporma na nagsisimula nang magbunga.
“Let’s continue the reforms. Hopefully, in the next few years, we’ll see more people satisfied because they see real value in SHS and K-12,” pagtatapos niya.