komento

Senado di nagbigay ng komento sa tugon ni VP Sara

18 Views

PORMAL nang itinuturing ng Senado ang kanilang institusyon bilang Impeachment Court na didinig sa kaso ng pinakamataas ng opisyal ng bansa ngunit minabuting hindi magbigay ng kaukulan na komento dito.

Ito ay matapos humiling si Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa impeachment court ng Senado na ibasura ang kasong impeachment na inihain laban sa kanya, sa pagtutol na ito ay labag sa Konstitusyon at walang bisa mula pa sa umpisa.

Isinumite ang kanyang opisyal na tugon noong Hunyo 23 sa anyo ng isang answer ad cautelam, isang legal na hakbang na kinukuwestiyon ang hurisdiksyon ng Senado nang hindi tinutugunan ang mga akusasyon sa nilalaman.

Ayon sa dokumentong inihanda ng law firm na Fortun, Narvasa, and Salazar, nilalabag umano ng reklamo ang one-year bar rule sa ilalim ng Artikulo XI, Seksyon 3 ng Konstitusyon, na nagbabawal ng higit sa isang impeachment proceeding laban sa parehong opisyal sa loob ng isang taon. Giit ng kampo ni Duterte, ang reklamo ay “void ab initio” at dapat nang tuluyang ibasura.

Kinumpirma ng Senado na natanggap ang nasabing tugon bandang alas-5:49 ng hapon noong Hunyo 23, ayon kay Atty. Regie Tongol, tagapagsalita ng Impeachment Court. Tinanggap ito ng Kalihim ng Senado, na kumikilos bilang Clerk of Court.

Matatandaang inorganisa ng Senado ang sarili bilang impeachment court noong Hunyo 10, 2025 at ipinadala ang summons sa tanggapan ni Duterte noong Hunyo 11. Simula noon ay nagtakda ng hindi mapapalawig na sampung araw upang magsumite siya ng tugon.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Tongol na bagamat natugunan ng answer ad cautelam ang mga procedural requirement, “it does not constitute a substantive response to the allegations.” Dagdag pa niya, magpapatuloy ang proseso anuman ang maging tugon ng Pangalawang Pangulo sa mga paratang.

Noong Hunyo 18, iginiit ni Tongol na nakuha na ng impeachment court ang hurisdiksyon sa kaso at nilinaw na hindi maaapektuhan ang paglilitis kahit magpalit ng Kongreso, sapagkat “there will be no return to square one.”

Ayon sa mga patakaran ng Senado, may limang araw ang prosekusyon mula sa Mababang Kapulungan upang magsumite ng tugon. Tatapat ito sa Hunyo 28, isang Sabado. Gayunman, dahil naka-adjourn sine die ang Kongreso at sarado ang mga tanggapan tuwing weekend, inaasahang matatanggap lamang ito sa muling pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo 28.

Nakatakdang magbukas ang Ika-20 Kongreso sa ikaapat na Lunes ng Hulyo, Hulyo 28, na siya ring araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Inaasahang bubuuin muli ng Senado ang impeachment court at ipagpapatuloy ang paglilitis nang hindi nagsisimula muli sa umpisa.

Ang impeachment complaint laban kay VP Duterte ay may kaugnayan sa umano’y iregular na paggamit ng confidential at intelligence funds noong siya ay sabay na nanunungkulan bilang Pangalawang Pangulo at Kalihim ng Edukasyon. Bagama’t pinabulaanan ni Duterte ang mga paratang, hindi pa siya naglalabas ng tugon sa mga espesipikong nilalaman ng Articles of Impeachment.

Pinangungunahan ni Rep. Joel Chua ang House prosecution panel na kasalukuyang naghahanda ng kanilang tugon. Inaasahan nilang ipagpapatuloy ang proseso sa pagbubukas ng Senado.

Samantala, wala pang desisyon ang inilalabas ng Senado kaugnay ng mosyon ni Duterte na ibasura ang kaso. Inaasahan ang susunod na mga hakbang pagsapit ng Hulyo 28.