Sotto

Senado handang tumugon sa posibleng problema sa suplay ng langis

152 Views

EMERGENCY power of President Marcos Jr. is our priority. We will definitely tackle this.”

Tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III na seryosong pinag-aaralan ng Senado ang mga panukala na makatutulong sa bansa na tumugon sa posibleng problema sa suplay at presyo ng langis, habang nagdudulot ng bagong pangamba sa pandaigdigang oil market ang giyera sa Middle East.

“Hinihintay namin today ang request na ito mula Kay Pangulong Marcos Jr. At agad namin itong tatalakayin. Mahalaga ito para sa bayan,” pahayag ni Sotto.

Sumirit ang presyo ng langis sa mga nakaraang araw matapos maapektuhan ng sigalot ang produksyon at pagbabarko sa Gulf region.

Ayon sa mga ulat, mabigat ang pagkaantala sa daloy ng mga tanker sa Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang dinadaanan ng halos ikalimang bahagi ng pandaigdigang daloy ng langis at LNG, kaya lumaki ang pangamba sa suplay at presyo ng petrolyo sa mga bansang umaasa sa imported fuel.

Sinabi ni Sotto na nagpapalitan ng impormasyon ang mga mambabatas at sinusuri ang mga panukala na maaaring magsilbing panangga ng Pilipinas sa posibleng epekto nito sa ekonomiya.

“Nagpapalitan kami ng impormasyon and their proposals, so we will be studying it. I will forward it to the Committee on Ways and Means and the Committee on Finance, discuss it, and hopefully we will be able to come up with something that would be able to address the would-be problems that we will be encountering,” wika ni Sotto.

Aniya, ipapasa ang usapin sa Committee on Ways and Means at Committee on Finance para sa diskusyon. Binigyang-diin din ni Sotto na ang pag-alis sa karaniwang three-day rule ng Senado ay depende kung magkakaroon ng deklarasyon ng emergency at sa magiging resulta ng mga susunod na pag-uusap.

“Unless it is declared emergency, then therefore we will do away with the three-day rule. But again, depende sa mga pag-uusapan natin ‘yan,” ani Sotto.

Kinondena rin ni Sotto ang mga kumpanyang nagsasamantala sa kasalukuyang sitwasyon.

“Hindi ko maintindihan bakit may mga ganitong tao na nagsasamantala. Hindi tama ito,” iginiit ni Sotto.

Idinagdag niya na mayroon ang bansa na hindi bababa sa dalawa hanggang tatlong buwang reserba, na makatutulong sa pansamantalang presyur habang naghahanda ang pamahalaan sa posibleng external shocks.

“If I recall it right, there was or there is at least two to three months’ reserve. So bakit sasamantalahin nang iba? Di pa naman tayo mangangailangan talaga totally,” sabi niya.

Sinabi ni Sotto na handa ang Senado na tumulong sa Executive Department kung kinakailangan ng mga hakbang para mapamahalaan ang epekto ng krisis sa oil market.

“But we will prepare for it. Basta kami sa Senate, kung may maitutulong kami sa Executive Department, you can be sure we will do our best,” saad ni Sotto.