Pimentel

Senado hiniling mag-convene para sa impeachment trial

27 Views

MULING iginiit ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang panawagan na agad nang mag-convene ang Senado bilang impeachment court upang litisin si Pangalawang Pangulo Sara Duterte, iginiit na hindi kinakailangan ang isang special session na ipatawag ng Pangulo upang maisagawa ito. Ayon kay Pimentel, may malinaw na legal na batayan sa ilalim ng 1987 Konstitusyon at mga panuntunan ng Senado na nagpapahintulot sa Senado na kumilos nang malaya.

Sa ginanap na Kapihan sa Senado, pinabulaanan ni Pimentel ang argumento na kailangang nasa sesyon muna ang Senado bilang isang lehislatibong katawan bago ito makapagdaos ng paglilitis.

“Hindi ito special session na kailangang tawagin ng Presidente kasi pati House of Representatives aabalahin natin. Di naman sila kailangan abalahin. Tapos na ang kanilang pag-overtime nung kinulusan nila ang Articles of Impeachment, ginampanan nila ang kanilang tungkulin sa Constitution, nag-overtime na sila doon,” aniya.

Binigyang-diin pa niya na naipasa na sa Senado ang Articles of Impeachment kaya’t may mandato ang Senado na kumilos “forthwith”, isang terminong kanyang ipinaliwanag na nangangahulugan ng “nang walang anumang pagkaantala”, batay sa parehong Ingles at Filipino na pagsasalin ng Konstitusyon.

“Forthwith, ang forthwith kasi di naman technical na salita na English, normal na salita lang yan. Ibig sabihin noon ibilisan without any delay, yan ang aming conclusion… Tapos para lang sigurado na tama kami, tinignan namin ang Filipino version ng ating Constitution, nasabi rin isunod agad. Parang common words ito, isunod agad. Kumilos kayo agad.”

Ibinahagi rin ni Pimentel na may ilang senador na sumusuporta sa kanyang panawagan, kabilang si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros.