Calendar

Senado hinimok tingnan ‘visa scheme’
NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng umano’y korupsiyon at pang-aabuso sa kapangyarihan na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng Bureau of Immigration (BI).
Ang panawagan ay bunsod ng isang liham na umano’y ipinadala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng ilang mga empleyado ng BI. Sa naturang liham, isinaad ang alegasyon na isang senior official ng BI ang nagpabilis ng piyansa para sa mga banyagang sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at nasangkot din umano sa bentahan ng permanent quota visas sa pinakamataas na nag-aalok.
Bilang tugon, inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 1381 kung saan iginiit niya ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad sa mga patakaran laban sa POGO sa bansa.
“The improper implementation of the country’s anti-POGO policy concerning the detention and deportation of foreign nationals… may create loopholes in our anti-POGO framework and allow nefarious POGO actors to continue their operations,” aniya.
Si Gatchalian, na matagal nang nagsusulong ng tuluyang pag-aalis ng mga POGO sa bansa, binigyang-diin na ang mga pagkukulang sa proseso ng deportasyon ay maaaring magresulta sa pag-iwas ng pananagutan ng mga banyagang sangkot.
Kabilang sa mga paratang ang mabilisang pagpapalaya sa piyansa ng mga indibidwal na may kaugnayan sa POGOs, kabilang ang mga makapangyarihang personalidad sa larangan ng gaming.
Maliban sa mga pagkukulang sa proseso, binanggit din sa liham ang umano’y panibagong modus operandi ng pagbebenta ng quota visas—mga dokumentong nagbibigay ng permanenteng paninirahan sa bansa—sa sinumang makapag-aalok ng pinakamataas na halaga.
Ipinunto na kung mapatutunayang totoo ang mga ito, seryosong masisira ang integridad ng sistema ng imigrasyon ng Pilipinas.
“Kailangan nating ituwid ang katiwalian sa ahensyang inaasahang nagpapatupad ng batas at punan ang pagkukulang sa ating mga regulasyon,” ani Gatchalian.
Inaasahang tatalakayin ng Senado ang naturang resolusyon, na maaaring magbunga ng mga pagdinig upang tuklasin ang lawak at lalim ng umano’y katiwalian sa loob ng BI.