Biktima File photo ng isa sa mga biktima ng drug war ng nakaraang administrasyon. File photo ni JONJON C. REYES

Senado, House di nagkokompetisyon sa pag-imbestigya sa EJK — Sen. Risa

44 Views

PINURI ni Senador Risa Hontiveros ang Senado at ang Kamara partikular ang mga kinatawan nito sa inaasahang parallel na imbestigasyon at pagsisikap na tuklasin ang katotohanan sa likod ng mga extrajudicial killings (EJK) na may kaugnayan sa war on drugs ng nakaraang administrasyong Duterte.

Sa isang press conference Biyernes, binigyang-diin ni Hontiveros na walang isyu kung parehong magsagawa ang dalawang Kamara kani-kanilang imbestigasyon.

Ang Senado at ang Kamara, aniya ay may kanya-kanyang tungkulin na malinaw na nakasaad sa Konstitusyon.

“This is not a competition. Both Houses are doing their job to ferret out the truth. Salamat at nagkakaisa ang dalawang kapulungan para hanapin ang katotohanan. Sa amin sa Senado ay pagsusumikapan naming ganapin ang aming mga mandato. This is not a competition but a complementation,” pahayag ni Hontiveros.

Pinuri rin niya ang Kamara at ang mga kinatawan sa Quad Comm sa kanilang masusing imbestigasyon, at binigyang-diin na nagagampanan ng Mababang Kapulungan ang kanilang tungkulin nang maayos.

Gayunpaman, sinabi ni Hontiveros na kailangan din tuparin ng Senado ang kanilang mandato bilang pantay na sangay upang magsagawa ng sariling imbestigasyon sa EJK at war on drugs. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbibigay ng boses sa mga biktima at ang pagtiyak na maririnig ang kanilang mga panawagan para sa hustisya.

“Ang mga nabalo, naulila, at biktima ng EJK ang siyang kaawa awa dito. Sila ang dapat natin pakinggan at sila din ang dapat pag-ukulan ng pansin. Dapat makamit nila ang hustisya,” iginiit ni Hontiveros.

Iminungkahi ni Hontiveros ang isang komprehensibong imbestigasyon ng Senado sa war on drugs sa pamamagitan ng Senate Committee of the Whole, na magbibigay ng pagkakataon para sa buong partisipasyon ng lahat ng senador at magbibigay ng pagkakataon sa mga pamilya ng mga biktima na magpatotoo. Naniniwala siya na ang ganitong paraan ay magbibigay ng tamang bigat at atensyon sa imbestigasyon.

Sa kasalukuyan, may tatlong alternatibong opsyon ang isinasaalang-alang ng Senado para sa pagsasagawa ng imbestigasyon: ang Committee of the Whole, ang Blue Ribbon Committee, o ang Committee on Social Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Senador Koko Pimentel. Ayon kay Hontiveros, ang Committee of the Whole ang pinakamainam na opsyon dahil kasama rito ang lahat ng senador at ipinapakita nito ang dedikasyon ng Senado sa pagharap sa napakahalagang isyung ito.

Binigyang-diin din ni Hontiveros na dapat imbitahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang resource person upang magbigay ng karagdagang konteksto at posibleng magsumite ng mga dokumentong may kaugnayan sa war on drugs. Aniya, ito ay mahalaga upang mas maunawaan ang buong saklaw ng mga operasyon at ang umano’y mga insentibong pinansyal na diumanoy ibinigay sa mga pulis na sangkot sa mga EJK.

Kahit na may malaking progreso na ang House Quad Committee (Quadcom) sa usaping ito, naniniwala si Hontiveros na maaaring mag-alok ng bagong perspektiba ang imbestigasyon ng Senado at magkokomplementaryo ito sa mga nagawa na ng Mababang Kapulungan.

“This is not a matter of who gets there first but about ensuring that justice is served for the victims of extrajudicial killings,” aniya.

Iginiit din ni Hontiveros ang kanyang pahayag sa muling pagbibigay-diin sa kahalagahan ng Senado at katapatan nito sa sambayanang Pilipino, at binigyang-diin niya na patuloy na gagampanan ng institusyon ang tungkulin nito upang matiyak na mabunyag ang katotohanan at makamit ang hustisya para sa mga biktima ng war on drugs