Chiz Escudero

Senado igagalang pasya ng taumbayan

20 Views

NANAWAGAN si Senate President Francis “Chiz” Escudero ng katahimikan, katapatan at kaayusan sa halalan sa Mayo 12.

Sa kanyang paalala sa mga nasa pamahalaan, sinabi ng senador na mananatili silang neutral at igagalang ang pasya ng taumbayan.

“Panahon na naman ng halalan. Sa mga nasa gobyerno, panatilihin natin ang pagiging non-partisan. Igalang natin ang desisyon ng taumbayan,” hiling ni Escudero.

Boboto ang mga tao ng konsehal, bise alkalde, alkalde, bise gobernador, gobernador, kinatawan sa Kongreso at 12 senador.

Libu-libong personnel at security forces ang ipinakalat ng COMELEC upang bantayan ang eleksyon at pigilan ang anumang pandaraya, pananakot o kaguluhan.

Binigyang-diin ni Escudero ang kahalagahan ng halalan bilang pagkakataon ng mamamayan na makapagpasya para sa ikabubuti ng bansa.

Nanawagan din si Sen. Joel Villanueva sa publiko na itaguyod ang demokrasya at gampanan ang tungkulin sa pagboto.

“Ito ay isang makasaysayang pagkakataon upang muling mapalakas ang demokrasya sa ating bansa. Ang pagboto hindi lamang karapatan kundi responsibilidad ng bawat Pilipino,” ani Villanueva.

Pinaalalahanan ni Villanueva ang mga kawani ng gobyerno na huwag gamitin ang pondo o impluwensiya ng estado upang impluwensyahan ang resulta ng halalan.

Naglagay ang COMELEC ng mga monitoring center at hotline upang madaling maisumbong ang anumang paglabag gaya ng vote buying, pananakot at ilegal na kampanya.

Nanawagan ang dalawang senador ng pagiging mapagmatyag ng publiko upang masiguro ang malinis na halalan.