Sara

Senado magiging patas sa impeachment case vs VP Sara

20 Views

TINIYAK ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa publiko na magiging patas ang Senado sa pagdinig ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

“Balewala sa ’kin at hindi ko papakinggan o susundin sino mang pro-impeachment o pro-Sara. Sino mang anti-impeachment o anti-Sara. Wala akong pakialam sa mga ’yon,” pahayag ni Escudero.

Ayon sa kanya, wala pa siyang natatanggap na direktang panggigipit mula sa mga kampong may interes sa impeachment trial, ngunit inamin niyang mainit ang talakayan sa social media at sa publiko.

Binigyang-diin ni Escudero na ang impeachment trial ni VP Duterte dadaan sa tamang proseso at hindi mamadaliin o pababagalin.

Pinabulaanan din niya ang mga pahayag na ang salitang “forthwith” sa Konstitusyon nangangahulugan Ng agarang aksyon at iginiit na sa mga nakaraang impeachment cases, hindi agad nagsimula ang paglilitis matapos matanggap ang reklamo.

Tungkol naman sa mungkahi na magpatawag ng special session habang nasa recess ang Kongreso upang pag-usapan ang impeachment, nilinaw ni Escudero na ang Konstitusyon nagtatakda lamang ng special sessions para sa mahahalagang panukalang batas, hindi para sa impeachment proceedings.

Ayon pa kay Escudero, ang anumang paglihis sa standard procedure maaaring makasira sa kredibilidad ng impeachment court.

“Ordinaryo lang kasi ito. Tratuhin naming espesyal ito? Espesyal ba si VP Sara para tratuhin naming espesyal ito?” pahayag niya.

Matapos ihayag ni VP Duterte na hindi siya dadalo sa impeachment trial, kinilala ni Escudero ang kanyang karapatan na huwag lumahok nang personal at hayaan ang kanyang mga abogado na humarap sa korte.

Dagdag pa niya, may posibilidad na ipatawag ng impeachment court si VP Duterte kung kinakailangan para sa witness identification.

Sa kasalukuyang recess ng Senado, ipinaliwanag ni Escudero na kailangang buuin pa ang mga impeachment rules bago tuluyang magsimula ang paglilitis.

Sa pagbabalik ng sesyon sa Hunyo, sisimulan ng Senado ang talakayan sa impeachment court rules bago itakda ang susunod na hakbang sa paglilitis.

Bagama’t may karagdagang gastos sa proseso, tiniyak ni Escudero na saklaw ito ng kasalukuyang pondo ng Senado.

“In fact, bagaman walang item sa budget ng Senado ang impeachment process, kaya na ’yan ng regular na budget ng Senado. Hindi namin kailangan humingi pa ng dagdag na budget para diyan,” sinabi niya.

Dahil ang impeachment trial ay magaganap kasabay ng kampanya para sa 2025 midterm elections, inaasahang magiging sentro ito ng pulitikal na diskusyon.

Sa kabila ng mga isyung bumabalot sa kaso, tiniyak ni Escudero na pangunahing responsibilidad ng Senado ang tiyakin ang katarungan at pagsunod sa tamang proseso, sa halip na pagbigyan ang anumang pulitikal na agenda.