Sotto1 Inihayag ni Senate President Vicente Sotto III sa press conference nitong Abril 21, 2026 na pupulungin niya ang mga senador upang paghandaan ang impeachment proceeding laban kay Vice -President Sara Duterte. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Senado may ‘crash course’ bilang paghahanda sa impeachment trial vs VP Sara

81 Views

IGINIIT ni Senate President Vicente Sotto III na susundin niya ang itinatakda ng Konstitusyon at kikilos agad ang Senado, “forthwith” at may agarang aksyon, sa sandaling matanggap ang articles of impeachment mula sa House of Representatives.

Ayon kay Sotto, tungkulin ng Senate President na agad iulat ito sa plenaryo at i-convene ang Senado bilang impeachment court sa sandaling matanggap ang mga dokumento.

Binigyang-diin niya na hindi maaaring umaksyon ang Senado hangga’t hindi ito pormal na nagiging impeachment court.

Kahit wala pang naipapadalang kaso, sinabi ni Sotto na naghahanda na ang Senado sakaling matuloy ang impeachment trial, kabilang ang pagre-review ng mga patakaran at pakikipagkonsulta sa mga abogado at hindi bababa sa dalawang mahistrado bilang bahagi ng isang “crash course.”

Dagdag pa niya, nakapagsimula na siya ng ilang sessions at magpapatuloy pa ang kanyang pag-aaral sa mga susunod na linggo.

Hinimok din niya ang mga kapwa senador na maghanda at pag-aralan ang proseso upang maging handa sa pagresolba ng mga objection at isyung maaaring ihain sa plenaryo.

Gayunman, binigyang-diin ni Sotto na may “vacuum” pa sa ngayon dahil wala pang desisyon ang Kamara kung may probable cause.

Ayon sa kanya, inaasahang matatapos ng House ang pagdinig at posibleng makaboto sa unang linggo ng Mayo.

Kung maipapadala ang articles of impeachment, sinabi ni Sotto na maaaring agad mag-convene ang Senado bilang impeachment court sa loob lamang ng ilang araw.

Tinukoy niya ang naging karanasan sa impeachment ng isang Chief Justice, kung saan agad nag-convene ang Senado kinabukasan matapos matanggap ang reklamo, habang nagpapatuloy ang mga paghahanda.

Aniya, umabot ng halos isang buwan ang preparasyon noon dahil sa holiday break, ngunit sa kasalukuyan ay maaaring matapos ang paghahanda sa loob ng dalawang linggo.

Sinabi rin niya na maaaring simulan agad ang pre-trial preparations upang mapabilis ang proseso ng paglilitis.

Sa usapin ng iskedyul, tinitingnan ng Senado ang mungkahing hatiin ang linggo, kung saan gagawin ang impeachment proceedings tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, at regular session tuwing Martes at Huwebes.

Binigyang-diin ni Sotto na hindi maaaring pabayaan ang legislative work kahit may impeachment trial.

Aniya, kailangan itong aprubahan ng mayorya ng mga senador at maaari pa itong pag-usapan sa caucus bago ang session.

Sinabi rin niya na maaaring gamitin muli ang umiiral na impeachment rules mula sa mga nakaraang kaso at hindi na kailangang baguhin ang mga ito.

Dagdag pa niya, may kapangyarihan ang Senate Legal Division na magsimula ng paghahanda kahit wala pang naipapadalang reklamo.

Aminado si Sotto na magiging mabigat ang logistical preparations, na tinawag niyang isang “mountainous task.”

Kabilang dito ang pag-aayos para sa prosecution at defense teams, espasyo sa Senado, at pagdagsa ng media at publiko.

Aniya, layunin ng Senado na gawing bukas sa publiko ang buong proseso, kabilang ang pre-trial at mga pagdinig.

Binigyang-diin din niya na mahalaga ang transparency at tiwala ng publiko sa proseso.

Pinuna rin niya ang mga paratang na may kinikilingan ang ilang senador at iginiit na dapat manatiling patas ang lahat.

Aniya, hindi lamang dapat patas ang mga senador kundi dapat nakikitang patas ng publiko.

Sa ngayon, sinabi ni Sotto na magpapatuloy ang paghahanda ng Senado habang hinihintay ang magiging desisyon ng House of Representatives.