Calendar
Senado nagkaisa sa pagpasa ng mas malakas na reso vs panggigipit ng China sa WPS
PARA kay Senador Alan Peter Cayetano, ang pagkakaisa ng mga senador sa pagpasa sa Senate Resolution No. (SRN) 79 na kumokondena sa China sa paulit-ulit nitong panghihimasok sa West Philippine Sea at panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino ay nagpapakita ng pagkakasunduan ng kamara sa pagprotekta sa mga karapatan at soberanya ng teritoryo ng bansa.
Sinabi ito ng independent senator sa isang manifestation na nagpahayag ng kanyang boto pabor sa resolusyon, na co-authored ng lahat ng mga senador noong Martes, Agosto 1.
Isinasaalang-alang ng SRN 79 ang dalawang naunang iminungkahing resolusyon — PSR 659 na inihain ni Senador Risa Hontiveros at PSR 718 na inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Sa resolusyon, mahigpit na kinokondena ng Senado ang mga patuloy na panggigipit ng China sa mga mangingisdang Pilipino at ang mga panggigipit sa West Philippine Sea.
Hinihimok din nito ang gobyerno ng Pilipinas na magsagawa ng naaangkop na aksyon sa paggigiit at pag-secure ng mga karapatan sa soberanya ng Pilipinas sa kanyang eksklusibong sonang pang-ekonomiya at continental shelf, at tumawag sa China na itigil ang mga ilegal na aktibidad nito alinsunod sa United Nations Convention on The Law Of The Sea and the 2016 Ruling of the Permanent Court of Arbitration.
“Mahirap kunin ang consensus sa 24 na senador na iba’t iba ang perspektibo, pare-parehong nagmamahal sa ating bansa, pare-pareho pong gusto na ma-settle ang issue of course in favor of the Philippines, ng ating territorial rights, sovereignty,” sabi ni Cayetano sa plenary floor noong Martes ng hapon.
Aniya, ang nagkakaisang boto ng mga senador para sa bagong resolusyon, na ginawa matapos ang closed-door meeting noong Lunes ng gabi kasama sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, National Security Adviser Eduardo Año, at Armed Forces chief of staff Gen. Romeo Brawner, ay pinalakas ng malalim na diskursong ibinigay sa isyu ng WPS.
Sa isang interview sa media sa Senado, sinabi ni Cayetano: “Hindi naman kami magkakasundo sa 24 na senador kung hindi napakalalim ng diskurso.”
Aniya, bumoto siya pabor sa bagong resolusyon dahil nagbibigay ito ng mas maraming opsyon para sa Executive, hindi tulad ng Proposed Senate Resolution 659 na nag-udyok sa gobyerno sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mag-sponsor ng resolusyon sa harap ng United Nations General Assembly (UNGA) na nananawagan sa China na itigil na ang panggigipit nito sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa loob ng WPS.
“For me it’s a stronger proposal kasi mas malawak ito and it also takes into consideration contingencies. This is sober… whether individually and institutionally, the Senate offered its help na makikipagtulungan sa Executive to get the job done. We are happy that this is the best language that we can come up with and this is not watered down,” wika niya.
Idinagdag ni Cayetano na ang bagong resolusyon ay naglalayong manalo ang bansa sa argumento upang makinabang din ito sa WPS.
“We don’t want to just argue. We want to argue to win the argument. And ano ba ang winning the argument? Not only going around the world saying na tama tayo, but also protecting our sovereignty and sovereign rights and enjoying it… Magkaiba y’ung [naunang] resolution, but the intention is the same, which is to address the situation in the WPS,” sinabi niya.