Calendar

Senado nagpugay sa ambag ng 4 na alamat ng pelikulang Pilipino
NAGPUGAY ang Senado sa di-malilimutang ambag ng apat na alamat ng pelikula at sining sa Pilipinas na pumanaw nitong mga nakaraang buwan. Kasabay nito, binigyang-parangal din ang batikang aktres na si Judy Ann Santos-Agoncillo sa kanyang pinakabagong internasyonal na tagumpay.
Pinangunahan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsusulong ng limang resolusyon na pormal na pinagtibay sa ika-53 sesyon ng ika-19 na Kongreso. Kabilang dito ang Senate Resolution No. 1320 na nagbibigay-pugay kay Judy Ann Santos sa kanyang pagkakapanalo bilang Best Actress sa 2024 Fantasporto International Film Festival sa Portugal.
Isinama rin ang mga resolusyong nagbibigay-parangal sa yumaong mga haligi ng sining: sina Ricky Davao, Gloria Romero, Pilita Corrales, at Pambansang Alagad ng Sining Nora Aunor—bilang pagkilala sa kanilang napakalaking kontribusyon sa kulturang Pilipino.
Sa kanyang talumpati, inilahad ni Estrada ang paghanga kay Judy Ann Santos bilang isa sa pinakamahusay at pinaka-maraming nagampanan sa mundo ng showbiz. Ang kanyang panalo sa Fantasporto para sa pelikulang The Gospel of the Beast ay tinukoy ni Estrada bilang patunay ng kanyang walang kapantay na husay at pang-internasyonal na kasikatan. Ito na ang ikalawang pagkakataon na kinilala siya sa pandaigdigang entablado bilang Best Actress, matapos siyang parangalan noong 2019 sa Cairo International Film Festival para sa Mindanao.
“Hindi niyo po matatanong ang buong pagmamalaki at pagyayabang ng inyong lingkod na si Judy ay minsan kong nakasama sa pelikula,” ani Estrada, habang ibinahagi ang kanyang personal na karanasan na makatrabaho si Santos. “Her stellar performance and professionalism are matched only by her humility and grace.”
Iginiit ni Estrada ang lawak ng tagumpay ni Santos sa iba’t ibang larangan—mula sa madamdaming drama hanggang sa mga kapanapanabik na pelikula, at maging sa mundo ng culinary television. Tinawag niya itong isang tunay na huwaran ng kanyang henerasyon. “Top-rating TV star, box office queen, renowned chef, best-selling book author, content creator, successful restaurateur—ano pa ba ang hindi kayang gawin ni Judy Ann Santos?” aniya.
Binigyang-diin din ni Estrada na ang parangal ni Santos ay hindi lang kanyang tagumpay kundi tagumpay din ng buong industriya ng pelikulang Pilipino. Ipinabatid niyang isa itong makapangyarihang patunay na ang mga Pilipinong artista at film creators ay may kakayahang makipagsabayan sa mga pinakamahusay sa buong mundo.
Maliban kay Santos, inalala rin ng Senado ang kamakailang pagpanaw ng apat na haligi ng sining at pelikula. Kabilang dito si Ricky Davao, isang multi-awarded na aktor at direktor na tumatak sa teatro, telebisyon, at pelikula; si Gloria Romero, matriarka ng pelikulang Pilipino na hinangaan dahil sa kanyang karisma, ganda, at mga walang-kupas na pagganap; si Pilita Corrales, Asia’s Queen of Songs at tagapag-ugnay ng tradisyonal at makabagong musika ng bansa; at si Nora Aunor, Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Sining-Pang-Broadcast, na ang makapangyarihang pag-arte ay nagbigay tinig sa mga pakikibaka at pag-asa ng sambayanan.
Ayon kay Estrada, “These are artists who gave their lives in full to their craft. Their performances, their music, their characters, their voices—they remain etched in the hearts of generations of Filipinos.” Binigyang-linaw niya na ang kanilang pagpanaw ay nag-iwan ng malalim na puwang sa industriya na hindi madaling mapunan.
Ipinunto rin ni Estrada ang responsibilidad ng Senado na tiyaking mapapangalagaan at patuloy na kikilalanin ang ambag ng mga artistang Pilipino, lalo na sa gitna ng pagbabago sa media at hamon sa post-pandemic na creative economy. “Buhay na buhay ang pag-asa ng pelikulang Pilipino,” diin niya, habang isinusulong ang tagumpay nina Judy Ann Santos at ang pangmatagalang impluwensiya ng mga alamat tulad nina Aunor at Romero.
“They inspire young talents to pursue art with integrity, depth, and national pride.” pahayag ni Estrada na isa rin dating aktor bago sumabak sa mundo ng pulitika.
Biglang pagpupugay ay tumayo ang mga senador ng tahimik at nagbigay paggalang habang pormal na tinanggap ng mga representate at ng mismong mga artista ang mga resolusyon. Nagtapos ang sesyon sa isang makabuluhang pagkilala sa sining at kultura ng ating bansa at mga artistang nasa likod nito.
Ang mga resolusyon ay ipapadala sa mga naulilang pamilya ng mga pinarangalan, gayundin kay Judy Ann Santos, bilang pagkilala sa kanilang naging bahagi sa paghubog ng kaluluwa ng kulturang Pilipino.