Villanueva

Senado nais ang long-term na solusyon sa pagbaha

172 Views

SA gitna ng tuloy-tuloy na pag-ulan na dala ng ikatlong bagyo sa bansa ngayong buwan, itinulak ng ilang senador nitong Martes ang pagsasagawa ng pagdinig sa mga programa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang mga ahensya upang malutas ang patuloy na problema ng pagbaha sa Pilipinas.

Sa sesyon ng plenaryo nitong August 1, 2023, nagbigay ng kani-kanilang mga rekomendasyon sina Senador Alan Peter Cayetano, Majority Floor Leader Senator Joel Villanueva, at Senate President Pro Tempore Loren Legarda para maisaayos na ang flood control system ng bansa.

Kasabay ang pagpapahayag ng pagkadismaya sa tila hindi masolusyunang problema sa baha ng kanyang lalawigang Bulacan, hinimok ni Villanueva ang mga kapwa senador na usisain ang mga plano at programa ng pamahalaan hinggil sa urban drainage system ng bansa at flood protection sa Metro Manila at iba pang mga lugar na madalas bahain.

Taong 2016 pa nang magsimulang manawagan si Villanueva sa DPWH, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at iba pang kinauukulang ahensya na gumawa ng mga programa para matugunan ang problema.

Giit naman ni Legarda, na kilalang tagapagsulong ng pangangalaga sa kalikasan at climate change awareness, dapat siguraduhin ng National Power Corporation na “updated” ang protocol nito sa pagpapakawala ng tubig ng mga dam, partikular ang Angat, Bustos, at Ipo Dam, tuwing may bagyo. Aniya, kailangan nakabase sa land-use plans ng mga lugar ang protocol para maging maayos ang ruta ng tubig.

Binigyang-diin naman ni Cayetano ang mga hindi natapos na flood control dam ng DPWH, na aniya ay 12 taon na mula nang matuklasan sa isang pagdinig sa Senado.

“Natuklasan n’ung hearing na y’un [na] may flood control part na hindi tinuloy ng gobyerno. And this was more than 10 years ago and after that I thought maaayos na lahat,” he said.

“Baka pwede pong isama ‘yan sa titingnan. Kasi same areas ang binaha nung time na y’un – Tarlac, Pampanga, and Bulacan,” he said.

Naibigay na sa Senate Public Works Committee para sa kaukulang aksyon ang mga manifestation ng mga nasabing senador.

Sa isang panayam sa media noong Lunes, ipinahayag ni Cayetano ang plano niyang suriin ang magiging panukalang budget ng DPWH para sa 2024 upang matiyak na ang pondo nito — na kadalasan ay pangalawa sa pinakamataas sa lahat ng ahensya ng gobyerno — ay ilalaan sa mga tamang prayoridad.

Punto niya, 25 porsiyento ng kasalukuyang pondo ng departamento ngayong taon ay inilagay sa flood control habang napag-iwanan naman ang paggawa ng mga bagong kalsada.

Ang ganito aniyang prayoridad ng DPWH ang isa sa dahilan kaya hanggang ngayon ay problema pa rin ng bansa ang pagbaha.

“Damay-damay na po. Kung napansin niyo po, ilang beses itinaas ang MacArthur Highway pero hindi naman in-upgrade y’ung iba[ng kalsada] kaya y’ung tubig wala talagang pupuntahan,” paliwanag ni Cayetano sa interview.