Calendar
Senado napatawag ng ‘principal’ bumuwelta sa Cha-cha — Garbin
BUMUWELTA si dating House Committee on Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin Jr. matapos akuin ng Senado na inatasan sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na manguna sa pag-amyenda ng teconomic provisions ng 1987 Constitution.
Ayon kay Garbin na dating kinatawan ng Ako-Bicol Party-list, nagbago lang naman ang posisyon ng Senado sa Charter change (Cha-cha) matapos makipagpulong sina Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri at iba pang miyembro ng Senado kay Pangulong Marcos.
“Ang nangyari ngayon parang ‘yung Senado ang pinatawag ng principal eh. Pinatawag ng principal, ‘Punta kayo dito sa principal’s office, gawin niyo nga ang inyong assignment at homework,” sabi ni Garbin sa pulong balitaan nitong Martes.
“Lumabas naman ang statement, yung Senado, na ‘OK, gagawin na namin ang aming homework,” aniya.
“Pero masama ‘yung dating dahil pinalabas pa nila na sila ‘yung mangunguna. Samantalang ang nanguna nito for the longest sense–it’s long been the consensus of Congress of the House of Representatives na matagal na ‘tong dapat inaktuhan ‘yung economic amendments ng ating Constitution,” punto ni Garbin na isang abogado.
Nakipagpulong si Zubiri kay Pangulong Marcos noong nakaraang Martes kung saan inilahad nito ang pagkabahala sa itinutulak na People’s Initiative para ameyndahang ang kasalukuyang Saligang Batas. Isa si Garbin sa mga petitioner para sa PI.
Lunes naman nang ihain ni Zubiri ang Resolution of Both Houses (RBH) No.6, na layong magpatawag ng Constituent Assembly (Con-Ass) para amyendahan ang Konstitusyon. Sabi rin niya na inatasan sila na aralin ang economic provisions ng Saligang Batas.
“It should be told na nangunguna talaga dito [sa economic amendments] ‘yung House of Representatives,” sabi ni Garbin.
Paalala ni Garbin na noong 18th Congress ay pinagtibay na ng Kamara ang RBH No.2, para sa panukalang amyenda sa economc provisions ng Konstitusyon.
“Nai-transmit namin sa Senado, walang nangyari, inupuan. Ngayon naman, 19th Congress, ganun pa rin. Kinahon, calling for Constitutional Convention to tackle the economic amendments to our Constitution, inupuan pa rin,” sabi niya habang pinatutungkulan ang Senado
Ang higit tatlong daang miyembro ng Kamara at 24 na senador ang bumubuo sa bicameral Philippine Congress.