Senado pormal na sumang-ayon sa pagratipika ng kasunduan ng AFP, JSDF

79 Views

PORMAL ng sumang-ayon ang Senado sa pagratipika ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Japan na naglalayong palakasin ang reciprocal access at kooperasyon sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Self-Defense Forces of Japan (JSDF).

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 1248, na ini akda ni Senadora Imee R. Marcos, binanggit ang Artikulo VII, Seksyon 21 ng Konstitusyon ng Pilipinas na nagsasaad: “No treaty or international agreement shall be valid and effective unless concurred in by at least two-thirds of all the members of the Senate.”

Nagpahayag ng pasasalamat si Sen. Marcos sa kanyang mga kasamahan sa pagsang-ayon ng Senado sa kasunduan.

Ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Japan ay nilagdaan noong Hulyo 8, 2024 sa Maynila.

Itinatakda sa kasunduan ang mga probisyon hinggil sa pagpasok at pag-alis, galaw, pag-access sa mga pasilidad, at professional practice ng visiting force at ng civilian component para sa mga aktibidad ng kooperasyon, pati na rin ang mga patakaran na namamahala sa hurisdiksyon sa mga aksyon ng Visiting Force at Civilian Component.

Ayon sa resolusyon, layunin ng kasunduan na palalimin ang seguridad at kooperasyong pang-depensang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Japan, at palakasin ang interoperability ng AFP at JSDF sa pamamagitan ng mas malawak na military cooperation at exercises sa pagitan ng dalawang bansa.

Palalawakin din ng kasunduan ang kooperasyong pang-depensa ng Pilipinas at Japan sa maritime domain sa gitna ng mga hamon sa seguridad na kanilang pinagtutulungan.

Ang pagratipika sa kasunduan ay nagpapatibay sa strategic partnership ng dalawang bansa at sa kanilang layunin na makapag-ambag sa kapayapaan, seguridad, at katatagan sa rehiyon at sa buong mundo.

Nilagdaan ng Pangulo ng Pilipinas ang kasunduan noong Nobyembre 5, 2024 at ipinasa ito sa Senado para sa pagsang-ayon alinsunod sa Konstitusyon ng Pilipinas.

Sa pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Foreign Relations noong Nobyembre 25, 2024, inendorso ng mga sumusunod na ahensya ng pamahalaan ang pagratipika ng kasunduan: (1) Department of Foreign Affairs; (2) Department of National Defense; (3) Armed Forces of the Philippines; (4) Department of Justice; (5) Department of Finance; (6) Presidential Commission on Visiting Forces; (7) Armed Forces of the Philippines; (8) Bureau of Customs; at (9) Professional Regulation Commission.