Impeach

Senado walang dahilan para impeachment trial i-delay

36 Views

NANAWAGAN ang dalawang mambabatas sa Senado na ituloy na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at iginiit na ang utos ng Korte Suprema (SC) sa Kamara na magbigay ng karagdagang impormasyon ay hindi hadlang sa proseso.

Ginawa nina Manila 3rd District Rep. Joel Chua at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang pahayag bilang tugon sa pangamba sa posibleng paglabis umano ng Korte Suprema sa kapangyarihan nito matapos na utusan ang Senado at Kamara.

Sinabi ni Chua, miyembro ng House prosecution panel, na ang hinihingi ng mataas na hukuman ay mga factual information lamang kaugnay ng mga petisyong inihain nina Duterte at ng kanyang mga abogado na kinukuwestiyon ang impeachment process.

“Maliwanag naman po ‘yung hinihingi ng Supreme Court. Ito po ay parte ng pagreresolba sa issue na binato sa kanila. At ito pong mga hinihingi naman ay maiko-comply naman namin sa House,” ayon kay Chua sa isang press conference.

“Hindi lamang po ang House, pati ang Senado ay hinihingian din ng compliance at makakaasa po kayo na hindi ito makakaapekto sa kung anuman ang nakabinbin na impeachment complaint dito,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Chua na maaaring may mga nagtatanong kung dapat bang hintayin muna ng Senado ang desisyon ng SC bago simulan ang trial, ngunit iginiit niyang walang dahilan para gawin ito dahil wala namang inilalabas na temporary restraining order (TRO) ang mataas na hukuman.

“So sa ngayon, dapat po mag-proceed pa rin ang trial hangga’t hindi ito pinapahinto ng Korte Suprema,” ani Chua.

Dagdag pa niya: “Hangga’t wala pong [TRO] na inilalabas ang ating Korte Suprema, meron po tayo laging presumption of regularity or legality. Kaya sa amin pong paniniwala, dapat po mag-proceed na po ang trial.”

Sinabi naman ni Ridon na nauunawaan niya ang pangamba ni Mamamayang Liberal Party-list Representative at dating Senador Leila de Lima ukol sa posibleng judicial overreach, lalo na sa bahagi ng utos ng SC sa Kongreso.

Gayunpaman, ipinaliwanag niyang may karapatan ang Korte Suprema na suriin kung nasunod ba ng lehislatura ang one-year bar rule, alinsunod sa mga desisyong Francisco at Gutierrez.

“So ginagalang po natin ‘yan. At again, hindi po ito puwede gamitin ng Senate impeachment court na dahilan para hindi po magtuloy, again, doon po sa kanilang constitutional mandate to try and decide the impeachment case of Vice President Sara Duterte,” giit ni Ridon.

Dagdag pa niya: “Katulad po ng binanggit ni Congressman Joel, walang [TRO] na ibinigay po ang Korte Suprema. Ibig sabihin, we will proceed with the [SC] deliberations. But again, they’ll proceed in the soonest time with the trial of Vice President Sara Duterte.”

Nilinaw din ni Chua na ang hinihinging impormasyon ng Korte Suprema ay may kinalaman sa timeline at mga detalye ng proseso ng mga reklamong impeachment.

“Ito po ay magiging base rin sa kanilang magiging desisyon. Kaya mahalaga po na kami po ay makapag-comply,” ani Chua.

“Insofar as the impeachment complaint naman ay ako po naniniwala na hindi naman po ito makakaapekto,” giit pa niya.

Ipinaliwanag naman ni Ridon na ang pagsusuri ng SC ay nakatuon sa kung ang unang tatlong reklamong impeachment laban sa Bise Presidente ay maayos bang naisampa at na-refer sa House committee on justice—mga pangunahing salik sa pagpapasiya kung maikakabit ba ang one-year bar rule, gaya ng paglilinaw sa desisyong Francisco.

“So, basically the question for the Supreme Court is, of course, to the House is, may referral bang nangyari o wala? Basically, kung wala, the one-year bar rule does not arise. So, itatabi po talaga iyon,” paliwanag niya.

Sinabi ni Ridon na ang ikaapat na reklamong impeachment, na inendorso ng hindi bababa sa isang-katlo ng lahat ng miyembro ng Kamara, ay inihain noong Pebrero at direktang ipinadala sa Senado.

Ayon sa kanya, 215 mambabatas ang lumagda rito, kaya ito ang ginawang basehan para sa pagtalima sa one-third requirement kaugnay ng one-year bar rule.

Nang tanungin kung nais ba nilang hintayin muna ang pasya ng SC bago simulan ng Senado ang trial, tugon ni Chua: “Well, mas maganda. Para at least ma-resolve na itong issue sa one-year bar rule. Para at least matanggal na sa isip at hindi na po magamit itong issue na ito para maantala ang impeachment complaint.”

Sinang-ayunan ito ni Ridon ngunit iginiit na hindi ito dapat gamiting dahilan upang ipagpaliban ang proceedings.

“Kung ano ho ‘yung pasya ng Korte Suprema sa usapin po na ito, siyempre gagalangin naman po natin. So, hopefully, within the soonest time ma-resolve din po ng Korte Suprema,” ani Ridon.

“But again, this should not serve as a reason for the Senate Impeachment Court to further delay proceedings and not act on their mandate, which is to try and decide the impeachment case of Vice President Sara Duterte in the soonest possible time,” giit niya.