Hot News

Senate court pinahaharap si Lopez

26 Views

SubPINAHAHARAP ng Senate Impeachment Court si Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Duterte, habang papasok ang impeachment trial sa yugto ng testimonya ng mga saksi at legal na pagtatalo sa bank at tax records.

Ang subpoena ad testificandum, na nilagdaan ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, ay naihain sa Central Records Unit ng Office of the Vice President noong July 9, dakong 1:10 p.m.

Inatasan si Lopez na humarap sa impeachment court sa Senado sa July 13 at 14, alas-2 ng hapon, upang tumestigo sa mga bagay na personal niyang nalalaman kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Zimmerman Duterte, na may docket na Case No. 004-2026.

Nakalagay sa subpoena ang utos na “Fail not,” na nagpapakita na sapilitan ang kanyang pagharap sa hukuman.

Pinadalhan din ng kopya ng kautusan ang House public prosecutors at defense counsel Fortun Narvasa & Salazar.

Isang araw bago naihain ang subpoena, sinabi ni Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Regie Tongol na pinagbigyan ni Escudero ang hiling na ipatawag si Lopez.

Sinabi ni Tongol na magpapatuloy ang trial sa July 13, alas-2 ng hapon, para sa testimonya ng prosecution witness na si First Attorney Jeremy Lotoc.

Ayon sa kanya, inaasahan ding ihaharap ng prosekusyon sina Lopez at Captain Belinda Bello sa July 14 at July 15.

Inihain ang subpoena kay Lopez habang naghahanda rin ang korte na dinggin ang mga argumento sa hiling ng prosekusyon na magpalabas ng subpoena para sa tax at bank records.

Sinabi ni Tongol na sakop ng hiling ng House panel para sa subpoena duces tecum ang tax documents ni Mans Carpio at 22 negosyo na sinasabing konektado sa Bise Presidente.

Inatasan ni Escudero ang magkabilang panig na magsumite ng memoranda sa usapin ng tax records sa Lunes at itinakda ang oral arguments sa Miyerkoles, na may tig-10 minuto ang bawat panig.

Itinakda rin sa oral arguments ang renewed request para sa subpoena sa bank records.

Sinabi ni Tongol na magbibigay-daan ang oral arguments upang maipakita ng dalawang panig sa publiko ang kani-kanilang posisyon, lalo na sa mga isyung may kinalaman sa secrecy of bank records at BIR records.

“Yung oral arguments ay magpapakita nung kanilang mga posisyon regarding the issue at ito ay mapapakita sa publiko dahil maihahayag ito through television at televised video,” ani Tongol.

Ayon sa kanya, maaari ring magtanong ang mga senator-judge kung paano makukuha ang hinihinging records nang hindi lumalabag sa umiiral na batas.

“So, maaaring mailahad doon kung paano makukuha, nakuha yung possible na mga tax records kung ito ba ay i-issue ng ating BIR commissioner with the consent of the president o wala ba,” ani Tongol.

Nang tanungin kung paano pagpapasyahan ang subpoena issues, sinabi ni Tongol na unang magpapasya ang presiding officer.

Kung iaapela ng mga senator-judge ang ruling, maaaring isalang sa botohan ang usapin.

Ipinagpatuloy din ng impeachment court ang paglalahad ng ebidensiya ng prosekusyon, kung saan isinailalim sa cross-examination ni defense counsel Atty. Narvasa si NBI agent John Mark Calilung.

Matapos ang cross-examination, nagtanong ng clarificatory questions ang ilang senator-judge bago pinauwi ang testigo.

Sinabi ni Tongol na bahagi ng pormal na proseso sa korte ang mahabang pagtatanong tungkol sa mga dokumento at video evidence.

“Kaya yung pagtatanong po ay step by step, kailangan pong ilakad ng abogadong nagpepresinta ng testigo, yung korte at saka yung mga hukom kung paano nakuha at naging yung isang video na yun, o isang dokumento na yun, paano niya nahawakan yun at paano nakarating doon sa korte,” ani Tongol.

Aniya, kailangan ito upang maipakita ang chain of custody at masuri ang kredibilidad ng testimonya at ng mismong testigo.

“So yung buong chain of custody na yun, kailangan niyang patunayan na to be unbroken at wala siyang dinagdag o binawas doon sa prosesong yun,” ani Tongol.

Napag-usapan din ang takbo ng paglilitis matapos na isang testigo pa lamang ang natapos sa loob ng tatlong araw ng trial.

Sinabi ni Tongol na nangangapa pa ang korte at ang magkabilang panig sa bilis at istilo ng proceedings, kabilang ang pagtatanong ng mga abogado, objections ng magkabilang panig at mga tanong ng senator-judges.

“Nangapa lang po anong klaseng style ba magtanong, anong klaseng, gaano kabilis yung pace nung magtanong, ano yung mga objections na usually nire-raise,” ani Tongol.

Sinabi niya na handa ang impeachment court at senator-judges na dinggin ang testimonya ni Lotoc noong July 8, ngunit hiniling ng prosekusyon na ipagpaliban ang presentasyon nito sa susunod na linggo.

Ayon kay Tongol, maaaring humanap ng paraan ang korte upang pabilisin ang trial, kabilang ang pagtatanong sa mga partido kung sinu-sinong mga testigo ang maaaring iprisinta sa iisang araw ng pagdinig.

Kinilala rin ni Tongol ang mga tanong tungkol sa gastos sa impeachment trial, bagama’t sinabi niyang wala pa siyang hawak na numero.

“Ako, wala sa pay grade kung magtanong ng pera. So, hindi ko masasagot po yan. But, babalikan kita sa question na yan,” ani Tongol.

Sinabi ni Tongol na hihingi siya ng clearance mula sa Senate President upang itanong ang budget allocation para sa impeachment trial.

Tungkol naman sa tanong sa seating arrangement sa rostrum, sinabi ni Tongol na ang presensya ng Senate President at ng presiding officer ay nagpapakita ng kani-kanilang magkahiwalay na tungkulin sa proceedings.

“Wala naman issue dapat yan. Kasi it is a symbolic gesture na they are equals just doing different hats, wearing different hats,” ani Tongol.

Sinabi niya na hindi na bago ang ganoong ayos at binanggit ang impeachment trial ni dating President Joseph Estrada, kung saan magkatabing nakaupo noon sina Chief Justice Hilario Davide Jr. at Senate President Aquilino Pimentel Jr.

Sa pormal na pagkakasubpoena kay Lopez at nakatakdang arguments sa financial records, inaasahang magpapatuloy ang impeachment court sa susunod na linggo sa presentasyon ng mga karagdagang testigo at mga nakabinbing usapin sa ebidensya.