NHA

Sens. Migz, JV, Win, Risa pinuri mga programa ng NHA

Jun I Legaspi Nov 29, 2025
256 Views

PINURI ng mga senador ang National Housing Authority (NHA) dahil sa mga programa sa pabahay.

Kinilala rin ng mga senador ang mga ginagawa ng NHA sa pagpapatupad ng epektibong mga programang pabahay sa buong bansa.

“Ayaw nila ng high-rise doon, gusto nila ng single-detached kasi magtatanim ng malunggay at ng anuman. And actually, we are very successful that the NHA has three major projects in Bukidnon, and we are thankful for that,” ayon kay Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Kabilang sa mga proyektong binanggit ni Zubiri ang Golden Harvest Village at NHA-Don Carlos Village Phase 1 at 2.

Patok din ang NHA para kina Sens. Win Gatchalian, Risa Hontiveros, at JV Ejercito.

Binigyang-pansin ni Sen. Gatchalian ang kahalagahan ng maayos na relocation sites, lalo na sa mga proyektong konektado sa DOTr corridors.

Ipinanawagan naman ni Sen. Hontiveros ang mas malinaw na land assembly frameworks at masinsinang koordinasyon sa ilalim ng NHA-DOTr Memorandum of Agreement upang matiyak ang in-city at near city resettlement options.

Idinagdag ni Sen. Ejercito ang hamon sa fiscal space at production capacity kasabay ng lumalaking pangangailangan sa pabahay kaya’t hinikayat niya ang pagpapahusay sa implementasyon ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program at iba pang subsidy mechanisms.

Ipinakita ng magkakaugnay na pahayag ng mga mambabatas ang matibay na suporta ng lehislatura sa layunin ng NHA na maghatid ng ligtas, abot-kaya, at sustenableng mga komunidad.

Nagpasalamat si NHA general manager Joeben Tai sa Senado sa patuloy na pagtitiwala sa NHA.

“Taos-puso po ang aking pasasalamat sa ating mga senador sa kanilang buong tiwala at suporta, partikular po sa pag-apruba sa inihain nating pondo para sa kapakinabangan ng nakararaming pamilyang Pilipino,” pahayag ni Tai.

“Sama-sama po nating itaguyod ang mas marami pang ligtas at makataong komunidad sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program at sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.”