Martin

Serbisyo ng gobyerno ipinaramdam ng Marcos admin sa mga taga-Surigao del Sur

102 Views

Martin1Sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.

INILAPIT ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga serbisyong hatid ng gobyerno sa mga taga-Surigao del Sur sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF).

Dala ng BPSF ang may P560 milyong halaga ng financial assistance, serbisyo at programa para sa may 90,000 benepisyaryo sa Surigao del Sur, ang ikalawang probinsya sa CARAGA region na binisita ng naturang programa.

Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kumatawan kay Pangulong Marcos sa pagbubukas ng BPSF noong Hunyo 21 sa De La Salle John Bosco College – Open Field.

“Masaya po tayo’t nakaulayaw natin ang mga Surigaonon sa ating BPSF sa Surigao del Sur para ipaalala sa kanila at iparamdam na ang gobyerno na ni Pangulong Bongbong Marcos ang lumalapit sa kanila para magserbisyo, magpatupad ng iba’t-ibang programa at ilapit ang tulong sa mga nangangailangan,” ani Speaker Romualdez.

“Ito ang sagot natin sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na ilapit ang pamahalaan sa mga mamamayan. Ngayon, ang pamahalaan na ang lumalapit sa mamamayan at naglilingkod sa abot ng aming makakaya,” saad pa nito.

“Mahal ni Pangulong Marcos Jr. ang Mindanao, at ang patuloy na pagsasagawa ng BPSF sa mga lalawigan dito ay patunay na hindi maiiwan sa programa’t serbisyo ang ating mga kapatid na taga-Mindanao,” wika pa ni Speaker Romualdez.

Nagsilbing local host sa event sina Rep. Johnny T. Pimentel at Gov. Alexander “Ayec” T. Pimentel.

Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada Jr., ang Surigao del Sur ang ika-siyam na lalawigan sa Mindanao na binisita ng BPSF.

Nasa 46 ahensya ng pamahalaang nasyunal, na may dalang 217 serbisyo, ang nagkaloob sa may 90,000 na benepisyaryo.

Sa P560 milyong tulong na dala, P244 milyon ang tulong pinansyal na ipinamahagi sa dalawang araw na event.

Pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang pamimigay ng 95,000 bigas, na nagmistulang patunay na tama ang bansag sa kanyang “Mr. Rice.”

“Hindi na mawawala ang distribution ng bigas sa ating mga BPSF dahil naniniwala tayo na ang bigas ay buhay. Ginagawa ng inyong pamahalaan ang lahat para mapababa ang presyo ng bigas para sa ating mga pamilyang Pilipino,” wika pa ni Speaker Romualdez.

Kasabay ng BPSF, pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang paglulungsad ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program, Start-up, Incentives, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL) Program, at Integrated Scholarship and Incentives for the Youth (ISIP for the Youth) Program sa magkakahiwalay na event sa probinsya.

Umabot sa kabuuang 6,000 residente ng Surigao del Sur ang nakatanggap ng tulong pinansyal at bigas mula sa tatlong programa na inisyatiba ni Speaker Romualdez.

“Pag may BPSF sa isang lugar, tiyak na may distribution din sa ilalim ng CARD, SIBOL at ISIP. At atin itong hinihiwalay para masiguro na ating maabot ang ilang sektor ng lipunan na nahihirapan sa ating panahon ngayon,” ani Speaker Romualdez.

“Lahat ng tulong na ito ay may balik. Tinutulungan natin sila sa oras ng kanilang pangangailangan para pagdating ng panahon na sila ay umunlad, magiging produktibong miyembro na sila ng lipunan,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Ayon kay Gabonada, 2,000 benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P2,000 cash aid at 10 kilong bigas sa ilalim ng CARD program.

Sa ilalim naman ng SIBOL programa ay binigyan ng tig-P5,000 at limang kilong bigas ang 2,000 benepisyaryo na pawang mga maliliit na negosyante.

Para naman sa ISIP for the Youth, sinabi ni Gabonada na 2,000 estudyante sa tertiary education ang tumanggap ng tig-P2,000 at limang kilong bigas. Ang estudyante ay muling makatatanggap ng P2,000 kada anim na buwan.

Ayon kay Gabonada ang mga kuwalipikadong estudyante ay ipapasok din sa Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED kung saan ang mga scholar ay binibigyan ng P15,000 assistance kada semestre.

Sinabi rin ni Gabonada na bibigyan din ng prayoridad ang mga ito sa Government Internship Program (GIP) kapag sila ay nagtapos. Ang kanilang mga magulang o guardian na walang trabaho ay ipapasok din sa TUPAD program ng DOLE.