Vic Reyes

Seryosong usapan sa Senado ginawang biro

Vic Reyes Oct 30, 2024
102 Views

NGAYONG araw ay pormal ng bubuksan ang “Halina’t Makisaya sa Kantahan At Sayawan” na gaganipin sa Kamiari Lirio Park.

Ang nasabing selebrasyon na magtatagal hanggang Nobybre 3, ay programa ng “Philippine Expo Japan-Philippines Friendship.”

Inaasahang dadagsain ng mga kababayan nating Pilipino at mga kaibigang Japanese ang nasabing event.

Binabati natin ang organizer ng nasabing pagtitipon, lalo na kay Horoshi Katsumata na laging naka-alalay sa mga kababayan nating Pinoy diyan sa Japan.

Binabati din natin ang mga kababayan natin diyan sa Japan na sina Teresa Yasuki, Mama Aki, Winger dela Cruz, Glenn Raganas, Lovely Pineda Ishii, La Dy Pinky, Endo Yumi at Lorna Pangan Tadokoro.

Mabuhay kayong lahat!

***

Sa pinakahuling pagdinig ng Senado ukol sa extrajudicial killings at giyera kontra droga, ang dapat sana’y seryosong usapan ay naging biro dahil sa malaswang pananalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nang tanungin naman ni Senator Jinggoy Estrada si Duterte kung bakit sa kanila lamang ito nakatingin, at tila iniiwasan ang pagtama ng tingin kay dating Leila De Lima?

Bilang tugon, nagbiro si Duterte na walang maganda sa panig na iyon, kaya’t nakatingin lamang siya nang diretso. Nagbahaginan sila ng tawanan, na nag-udyok kay Senator Risa Hontiveros na ipaalala kay Senator Estrada na dapat ay magtakda ng mas seryosong tono dahil, “hindi ito biro.”

Talagang hindi biro ang libu-libong pinatay sa ngalan ng tinatawag na digmaan ni Duterte laban sa droga.

Lumabas sa mga pagdinig ng House Quad Committee ang isang sistema na pinairal ni Duterte–ang mga extrajudicial killings. Ang mga pulis ay hindi lamang pinagana ng digmaan ni Duterte laban sa droga; mayroon din silang “nanlaban” na dahilan para ipagtanggol ang mga pagpatay at sila ay na-motivate ng sistema ng gantimpala, dahil tumanggap sila ng pera para sa bawat matagumpay na pagpatay.

Ipinagtanggol ng kaalyadong Senador ni Duterte, na sina Bong Go, Ronald “Bato” dela Rosa, at Robin Padilla, ang kampanya laban sa droga ng kanyang administrasyon, malinaw na orchestrated ang kaganapan na isinusulong nila.

Layunin ng Senado na bigyan si Duterte at kanyang mga kasamahan ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanilang mga sarili at magbigay ng kontra-salaysay sa publiko sa harap ng mga revelasyon ng Quad Committee.

Bagaman inako niya ang buong responsibilidad para sa kanyang mga patakaran, nang itanong ni Hontiveros kung tinatanggap niya ang responsibilidad para sa mga indibidwal na pagkamatay tulad ni Kian delos Santos, nagalit si Duterte at naging defensive. Sa mataas na boses, inakusahan ni Duterte si Hontiveros na sinisikap siyang itulak sa pag-amin.

Ayon pa kay Duterte. ang anumang pag-amin na gagawin niya ay hindi tatagal sa hukuman.

At tulad ng dati, nandiyan ang mga kaalyado ni Duterte upang iligtas siya sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang plataporma kung saan maari niyang kontrolin ang sitwasyon.

Walang anumang pagsisisi si Duterte. Ang kanyang hindi seryosong ugali sa panahon ng imbestigasyon ay nagpaalala sa atin sa mga tantrum ni Bise Presidente Sara Duterte nang siya ay tinanong tungkol sa mga pondo ng kanyang opisina at sa pang-aabuso ng mga kumpidensyal na pondo. Sabi nga, tulad ng ama, tulad ng anak.

Sabi ni dating Senator Leila de Lima panahon na para panagutin si Duterte sa libo-libong namatay sa kanyang war on drugs.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa +63 917-8624484/email/[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)