Calendar
SFMR: Kamara kumikilos na para sa mas malakas na suporta sa PH atleta
KUMIKILOS na ang Kamara de Representantes para mapalakas ang sistema ng pagbibigay ng suporta sa mga atletang Pilipino.
Sa ibinigay na heroes welcome sa mga atletang lumahok sa 2024 Olympic Games sa Paris noong Miyerkoles, sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nirerepaso na ang Republic Act (RA) No. 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act upang malaman ang mga kinakailangang pagbabago.
Bukod sa pagkilala sa mga natamong tagumpay ng mga atleta, iginiit ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na pagbutihin ang umiiral na mga batas upang mapabuti ang kalagayan ng Philippine sports community.
Inatasan ni Speaker Romualdez si Isabela Rep. Faustino Michael Carlos Dy III, chair ng House Committee on Youth and Sports Development na pangunahan ang pagsusuri ng nabanggit na batas.
“We will conduct a review of our legislation, among others, Republic Act No. 10699, the National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act. Kailangang amyendahan natin para maibibigay ang suporta at tulong po sa lahat ng mga atleta natin,” ayon kay Speaker Romualdez, pinuno ng Kamara na mayroong mahigit na 300 kinatawan.
“So, we shall be conducting review. I will ask our chairman, Mike Dy to conduct a review on how we can further improve the legislation para suportahan natin ang sports sa Pilipinas and to make the appropriate appropriations,” ani Speaker Romualdez.
“We will be meeting again further with our friend, [Chairman Richard] Dick Bachmann from the Philippine Sports Commission and of course with President Abraham ‘Bambol’ Tolentino of the Philippine Olympic Committee and of course the stakeholders on how we can improve the plight of our athletes,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Bukod kay Speaker Romualdez, kasama din sina Tingog Rep. Yedda K. Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose Mannix “M. Dalipe, Isabela Dy, at House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco na nanguna sa paggawad ng incentives at pagkilala sa mga atleta at coaches na dumalo sa pagdiriwang.
Ang Olympian na si Carlos Edriel Yulo ay tumanggap ng P6 milyon mula sa Kamara para sa kaniyang nasungkit na dalawang medalyang ginto at karagdagang P8.010 milyon na kontribusyon mula sa mga kinatawan ng Kamara na pinangungunahan nina Speaker Romualdez, Rep. Yedda Romualdez, House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co, Gonzales, Dalipe, at Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez.
Ang halagang ito ay bukod pa sa P500,000 natanggap ni Yulo bago umalis patungong Paris Olympics. Sa kabuuan ay umaabot sa P14.510 milyon ang natanggap na cash incentive ni Yulo.
Habang sina Nesthy Petecio at Aira Villegas— ang kababayan ni Speaker Romualdez mula sa Tacloban City ay nakatanggap naman ng tig-1 milyon dahil sa kanilang nakuhang bronze medal at karagdagang P2.5 milyon bawat isa mula sa kontribusyon ng mga mambabatas. Sila ay nakatanggap din ng P500,000 bago tumulak sa Pransya, o kabuuang P4 milyon bawat isa.
Habang ang nalalabing 19 Olympic athletes ay nakatanggap naman ng kabuuang P1 milyon: P500,000 bago umalis ng bansa at P500,000 na tinanggap sa araw ng pagkilala sa Kamara.
Ang 22-world class Filipino athletes ang kumatawan sa Pilipinas sa siyam na sporting events. ito ay sina Yulo, Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar para sa artistic gymnastics; Villegas, Petecio, Hergie Bacyadan, Carlo Paalam, at Eumir Marcial sa boxing; Ernest John Obiena, John Cabang-Tolentino at Lauren Hoffman para athletics; Vanessa Sarno, John Febuar Ceniza at Elreen Ann Ando sa weightlifting; Joanie Delgaco sa rowing; Samantha Catantan para fencing; Kayla Sanchez at Jarod Hatch para sa swimming; Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina para golf; at Kiyomi Watanabe sa judo.
Ang panawagan ng Speaker para sa reporma ay kasunod ng mahusay na performance ng Pilipinas sa Paris Olympics, kung saan nakuha ng mga Pilipino ang pansin ng buong mundo sa pamamagitan ng pag-uwi ng mga medalya na nagpakita ng lumalaking kakayahan ng bansa.
Ang heroes’ welcome ay hindi lamang naging selebrasyon ng nakamit na tagumpay ng mga atleta, kundi nagsilbing pagkakataon upang makita ang progreso ng bansa sa pangdaigdigang kumpetisyon.
Ang mga atleta, partikular si Yulo, ay tinagurian bilang mga bagong bayani ni Speaker Romualdez, na kumakatawan sa pagpupursige at kahusayan na naglarawan sa patuloy na pagsulong ng bansa sa Olympics sa nakalipas na siglo.
“Here in the House of Representatives, the House of the People, we are honored by your victory, by your achievement,” Speaker Romualdez said. “You have made this all possible, and now it is our turn to ensure that you receive the support you deserve.”
Kabilang sa mga iminumungkahi sa pagbabago sa RA 10699 ang pagpapataas ng financial incentives sa mga nagwawaging atleta.