Calendar
SFMR: POGO ban ni PBBM malaking hakbang upang ayos maibalik, Pinoy maprotektahan
NAGPAHAYAG ng suporta si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglalabas nito ng executive order para sa agarang pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at iba pang uri ng offshore gaming activity sa bansa.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang utos ng Pangulo ay katulad ng ginagawa ngayon ng Kamara de Representantes na iniimbestigahan ang mga kasamaan na may kaugnayan sa POGO.
“The House of Representatives stands with President Marcos in his push to end the evils and illegal activities tied to offshore gaming, which have put our public safety, national security, and economy at risk,” ani Speaker Romualdez.
“This ban is a big step in protecting our communities and bringing order back,” dagdag pa nito.
Inilabas ng Malacañang ang Executive Order (EO) No. 74, na nilagdaan noong Nobyembre 5, 2024, matapos lumabas sa pag-aaral ng Department of Finance at Anti-Money Laundering Council na nag-uugnay sa POGO sa pagtaas ng krimen, mga problema ng lipunan at masamang epekto nito sa ekonomiya.
Ayon kay Speaker Romualdez ang resulta ng pag-aaral ay nagpapakita ng kahalagahan na matugunan ang mga panganib na dala ng iligal na offshore gaming sa bansa.
Binuo ng Kamara ang Quad Committee— ang joint panel ng Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts—upang pangunahan ang pagsasagawa ng malalim na imbestigasyon sa mga krimen na may kaugnayan sa POGO, na nagsimula at dumami noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Lumabas sa imbestigasyon ang kaugnayan ng POGO at mga sindikato na sangkot sa money laundering, drug trafficking, at iligal na pagbili ng mga dayuhan ng mga lupain sa bansa.
“Our work through the Quad Comm has shown that POGOs present serious and far-reaching risks to our nation,” punto ni Speaker Romualdez.
Dagdag pa nito, “The House is not only supporting the executive order but also advancing legislative solutions to strengthen enforcement efforts and protect our communities. Our commitment to upholding the rule of law and ensuring national security is unwavering.”
Kamakailan ay inihain ng mga miyembro ng Quad Comm ang House Bill (HB) 10987 upang tuluyan ng ipagbawal ang POGO at HB 11043 na nagbibigay ng kapangyarihan sa gobyerno na kumpiskahin ang mga ari-arian na iligal na binili ng mga dayuhan, partikular ang mga may kaugnayan sa iligal na POGO.
Ang HB 10987 o ang Anti-Offshore Gaming Operations Act ay nagbabawal sa lahat ng uri ng offshore gaming sa bansa at nagpapataw ng apat hanggang 10 taong pagkakakulong at multa na hanggang p10 milyon sa mga lalabag.
Ayon sa panukala, ang lahat ng POGO sa bansa ay ipagbabawal simula sa Disyembre 31, 2024 at ang mga kompanyang ito ay dapat magbayad ng tamang buwis.
Ang HB 11043 o ang panukalang “Civil Forfeiture Act” ay magpapalakas sa constitutional ban sa pagmamay-ari ng mga dayuhan ng lupa sa Pilipinas.
Ang Office of the Solicitor General (OSG), sa tulong ng Department of Justice, ay inaatasan na manguna sa pagkumpiska sa mga ari-arian na iligal na nabili.
Ang mga makukumpiskang lupa ay gagamitin ng gobyerno para sa mga serbisyo publiko gaya ng ospital at eskuwelahan. Kung ang lupa ay sakahan, ito ay ipamimigay sa mga agrarian reform beneficiaries.
Noong Oktobre 21, isinumite ng Quad Comm sa OSG ang mga dokumentong nakalap nito kaugnay ng mga Chinese nationals na nagmamay-ari ng hekta-hektaryang lupain na kanilang nagamit gamit ang mga pekeng dokumento kung saan pinalabas na sila ay mga Pilipino.
Pinamamadali ng Quad Comm sa OSG ang pagrepaso at pagsasagawa ng civil forfeiture proceedings sa mga sangkot na ari-arian.