Calendar
Sheila Guo kumanta na sa pagdinig sa Senado
NILAGLAG ni Sheila Guo si Alice Guo sa ginawang pagharap nito sa Senado kung saan ay isiniwalat nito ang pagtakas nila kasama si Wesley Guo noong Hulyo 18, matapos nitong aminin na nagpatalon-talon sila mula sa bangka, lumipat sa barko na diumano’y fishing boat at dalawa pa ulit na bangka bago nakarating ng Sabah.
Sa ginawang pagdinig ng Committee on justice na pinamumunuan ni Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, inamin ni Guo na mula sa farm ay tumakas sila ng gabing iyon sa pagitan ng ika-7 o -8 at magkakasama sila nina Alice at Wesley, bago tuluyan silang nakarating sa kanilang destinasyon sa Sem Pan Nah.
“Hindi kami pinag-open ng cellphone. Sabi niya, ate samahan mo ako kasi nalulungkot ako. ‘Yung pangalawang boat na nasakyan namin ay green o blue. Siguro after dinner 7 or 8 p.m. alis kami ng farm tapos dumating kami gabi rin pero hindi ako sure sa oras,” ani Sheila.
Inamin nitong may tatlo o apat na araw din silang nasa gitna ng dagat bago nakarating ng Malaysia.
Dito, ani Sheila, ay may sumalubong sa kanilang babae na Ingles ang pananalita at dinala sila sa mga hotel at inasikaso nito ang lahat ng kanilang pangangailangan.
“Siya ang bahala lahat. Siya nagayos and hindi ko alam kung sino siya kasi English lang ang salita niya,” ani Sheila.
Sa naunang ulat, sinabing inasikaso sila ng isang nagpakilalang si ZJ na sinasabing ito raw ay Zhang Jie at ito rin ang tinutukoy na pangulo ng Lucky South 99.
Si Zhang Jie ay isang Singaporean national na siyang pumirma sa mga dokumento at nagpa-book sa mga ito sa Harris Hotel sa Batam Center sa Indonesia.
“Hindi ko siya (Cassy Li Ong) kilala pero kaibigan siya ni Alice. Sa Indonesia doon na kami naghiwalay ni Alice at Wesley. Hindi sa akin sinabi ni Alice saan siya pupunta,” ani Sheila.
Nagpahayag naman ng matinding paniniwala si Hontiveros na matitindi ang kasabwat na mga awtoridad nito kung kaya wala aniyang naging harang man lamang sa mga dinaanan ng mga ito.
“I note that all of them present Philippine passports before Indonesia Immigration. Opo talagang napakakapal po nila. Passport ng Pilipinas pa ang ginamit. I note that this would not have been possible if Alice Guo’s Philippine passport was immediately cancelled following fingerprint match with Guo Hua Ping who is clearly not Filipino,” ani Hontiveros.
Base sa ulat, nahuli sina Li Ong at Sheila Guo ng mga awtoridad ng Indonesia at ibinalik sa Pilipinas noong Biyernes, Agosto 23, kung saan ay agad naman silang dinala sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Senado si Sheila Guo dahil mayroon din itong warrant of arrest bunga ng hindi pagdalo sa hearing ng Senado sa pamumuno ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na konektado rin sa imbestigasyon laban kay Alice Guo at sa ilegal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, na diumano’y konektado sa iba-ibang krimen, tulad ng human trafficking, torture, hacking, scamming, prostitution, sex abuse at money laundering.
Sa nasabing pagdinig ay isiniwalat din nito na hindi sila totoong magkapatid ni Alice Guo bagkus ay nasa Tsina umano ang kaniyang tunay na mga magulang.
“Dumating ako dito 17 years old ako. Iba talaga totoong father ko na nasa China. Totoong Nanay ko ay nasa China din. Ang tita ko ka-partner ng tatay ni Alice Guo nagpakilala sa akin sa kanila sa China. Bago pumunta ako sa Pilipinas sa embroidery, doon lang alam ko na gawin sa embroidery,” ani Sheila na umamin na magkasintahan sina Cassy Li Ong at Wesley Guo.
Binulgar din nito na umalis ng bansa noong Hulyo 28 ang mga magulang ni Alice Guo na sina Lin Wen Yi and Guo Jian Zhong papuntang China at pumunta rin aniya ng Singapore.
Sina Cassy Li Ong at Alice Guo ay pinaniniwalaang isa sa mga may mataas na tungkulin sa POGO ng Lucky South 99, na ni-raid ng mga awtoridad kamakailan.
Sa gitna ng pagdinig ay naungkat din na si Sheila Guo ay siyang corporate secretary ng lahat ng Guo corporation na lumabas din dahil na rin sa nakitang mga pirma niya sa lahat ng dokumento nito.
Ang tunay na pangalan ni Sheila Guo ay Zhang Mier, na tahasan namang umamin na siya ay isang Chinese national at may aktibong Chinese passport at inamin din nitong mayroon siyang Philippine passport. Dumating lamang aniya siya sa unang pagkakataon sa Pilipinas noong 2001.
Inilabas naman ni Senador Sherwin Gatchalian ang posibilidad na matindi ang koneksyon ng mga Guo sa money laundering kung saan ay sinabi nitong maliit ang deklaradong kita sa negosyo sa babuyan at sa embroidery, ngunit bilyong piso ang pumapasok sa bank account ng mga ito na hindi aniya tugma at talagang nakapagdududa.
“Bakit ang liit ng pumapasok at kinikita niyong pera sa negosyo pero ang laman ng inyong pera ay bilyon bilyon? Bukod dito, sinabi mo na hindi mo kilala si Cassy Li Ong pero sa dokumento nakita na sabay-sabay kayong nag-travel papuntang Taipei last Feb. 14, 2024?” tanong ni Gatchalian kay Sheila.
Tugon naman ni Sheila: “Hindi ko po alam sa dokumento na pinirmahan ko. Basta pumipirma lang ako. And ‘yung kay Cassy, girlfriend siya ni Wesley pero hindi kami naguusap. Pero totoo magkasama kami sa Taipei.”
Para naman kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, kumpirmado na aniyang mula sa Batam, Indonesia ay lumipat naman si Alice Guo at kasalukuyang nasa Jakarta, samantalang ang kapatid nitong si Wesley ay pumunta ng Hong Kong.
“I admit na hindi po kami immediately nag-report dahil ayaw namin maglabas ng hindi pa validated,” ani Tansingco.
Ayaw din tanggapin ni Gatchalian ang alibi ni Sheila na wala siyang alam sa mga pinirmahan na dokumento, kung saan ay naniniwala aniya ang senador na malaki ang papel nito sa kumpanya lalo pa at ito ang inatasan na maging corporate secretary, finance chief at treasurer.
Para kay Hontiveros, mananagot ang mga nasa likod ng pagpapatakas kina Guo at iba pang mga wanted sa lipunan at sigurado siyang maaalisan ang mga ito ng maskara sa tamang panahon.
Samantala, sinabi naman ng abogadong nagnotaryo sa mga dokumento ni Alice Guo na si Atty. Elmer Galicia na sadyang hindi niya alam na wanted na pala ang dating mayora noong Agosto 14.
Inamin ni Galicia na siya rin ang kasalukuyang publisher ng Diyario Arangkada, ngunit nanindigan na hindi niya alam ang mga kasalukuyang kaganapan sa Senado pati ang warrant ni Alice Guo.
“Hindi ko po talaga alam dahil busy ako sa mga kaso,” ani Galicia, na humingi rin ng matinding paumanhin sa Senado kung saan ay inamin niyang hindi rin aniya siya nagpabayad kay Guo sa notaryong ibinigay niya rito at hindi na rin ito bumaba para manumpa dahil ika-7 na ng gabi nang mga oras na ‘yun.