Calendar

SHS iminungkahing tanggalin
ISINUSULONG ni Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang batas na tanggalin ang Senior High School (SHS) sa gitna ng mga puna hinggil sa umano’y kabiguang maisakatuparan ang layunin ng K to 12 program.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 3001, binabalak na baguhin ang nilalaman ng Republic Act No. 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013 sa pamamagitan ng pagtanggal sa SHS, subalit nananatili ang mahahalagang prinsipyo ng repormang edukasyonal.
Iminumungkahi sa panukala ang isang pinasimpleng balangkas ng edukasyon: isang taon ng kindergarten, anim na taon ng elementarya, at apat na taon ng sekondarya.
Ipinabatid ni Estrada na hindi natupad ng SHS ang pangakong paghahanda sa mga estudyante para sa trabaho, kolehiyo, o pagnenegosyo.
“Overloaded curriculum, overstretched teachers and students and limited employment opportunities for SHS graduates.” Ito ang ilan sa mga pangunahing dahilan ng kabiguang ito.
Tinukoy rin niya ang datos na nagsasabing halos 10% lamang ng SHS graduates ang nakakapasok sa pormal na trabaho, habang ang karamihan napupunta sa informal labor sector.
Dagdag pa rito, binanggit ni Estrada na mismong mga opisyal ng Department of Education (DepEd) ang umaming hindi pa naaabot ng programa ang inaasahang resulta.
Batay sa mga ulat, lumalalim din ang dismaya ng publiko sa SHS. Ayon sa isang Pulse Asia survey noong Marso 2025, 33% lamang ng mga respondent ang nagsabing kuntento sila sa programa, samantalang 40% ang hindi.
Mula 41% noong 2023, unti-unting bumagsak ang approval rating na naging 35% noong 2024 at 33% ngayong 2025.
“Bakit natin hahayaan na patuloy na maging dagdag pasanin sa oras at gastusin ang dalawang taon sa high school level?”
Layunin ng panukalang batas na pasimplehin ang estruktura ng edukasyon, mas epektibong mailaan ang mga rekurso at mapanatili ang kalidad ng pagtuturo na akma sa pandaigdigang pamantayan.