Calendar
‘Sibuyas Queen’ no show sa pagdinig Kongreso ukol sa hoarding
INISNAB o hindi siniputan ng tinaguriang “Sibuyas Queen” na si Lilia “Leah” Cruz ang pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara de Representantes sa pamamagitan ng House Committee on Agriculture and Food kaugnay sa kontrobersiyal na “hoarding” at manipulasyon sa presyuhan ng sibuyas at bawang.
Dahil “No Show” si Cruz sa isinagawang pagdinig ng nasabing Komite, nadismaya naman si House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V. kung saan, ipinahayag nito na ang hindi pagharap ni Cruz ay isang indikasyon ng pag-iwas nito sa imbestigasyon ng Kongreso.
Binigyang diin ni Dy na nais sana ng mga mambabatas na lalo pang maipaliwanag ni Cruz ang mga kontroberisyang bumabalot sa usapin ng hoarding ng sibuyas at bawang sapagkat ang mamamayang Pilipino partikular na ang sector ng mga magsasaka ang higit na naiipit sa hoarding ng sibuyas at bawang.
Sinabi ni Dy na noong nakaraang pagdinig ng House Committee Agriculture and Food ay present si Cruz. Kung saan, marami sa kaniyang mga kasamahang kongresista ang nagtanong ng husto sa nasabing negosyante matapos mabulgar ang nangyayaring “modus operandi” sa supply ng sibuyas at bawang.
Dahil dito, hindi naitago ni Dy ang labis na pagkadismaya sapagkat naniniwala siyang marami pang dapat maipaliwanag si Cruz hinggil sa mga kontrobersiyang bumabalot sa isyu ng sibuyas at bawang upang mapapanagot sa batas ang mga taong angkot sa hoarding at manipulasyon sa presyuhan ng mga agricultural products.
“Marami pa sanang dapat ipaliwanag si Cruz para malinawan natin kung sino-sino pa ang involve sa kontrobersiyang ito. Ang taongbayan at ang sector ng mga magsasaka ang higit na naiipit dahil sa manipulasyon sa presyuhan ng sibuyas at bawang. Ito ang kailangan sanang sagutin ni Cruz,” ayon kay Dy.