BBM-Sara

Sigaw ng Bacolod: BBM-Sara!

327 Views

City of Smiles todo ngiti, yakap sa mensahe ng pagkakaisa ng UniTeam

TODONG saya at hindi mabura ang ngiti ng mga taga-Bacolod at mainit nilang tinanggap ang mensahe ng pagkakaisa na dala nina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte nang dumalaw sila sa lalawigan nitong Miyerkules.

Tinaguriang ‘City of Smiles’, napuno ang mga lansangan ng mga tagasuporta ng UniTeam na matiyaga at masayang naghintay upang masilayan at makadaupang-palad ang tambalan.

Dala-dala ang kanilang mga banners at watawat habang sumisigaw ng “BBM! Sara!” na deklarasyon ng kanilang pagnanais para sa pagbabago at pag-unlad.

Ilan sa mga taga-suporta ay masayang isinigaw ang “Marcos Ibalik!” “Marcos Again!” “Marcos Muli!” na siyang narinig sa buong caravan na natapos sa loob ng apat na oras.

Ang mga pasaherong nasa loob ng bus at kanilang sariling mga sasakyan ay hindi napigilan ang kanilang mga sarili at sumali na din sa pagsalubong sa UniTeam.

Pati na rin ang mga fast food at mall workers ay lumabas upang batiin at masilip si Bongbong at Sara at ang UniTeam.

Kahit mga establisyimento na may mga nakataling pink na ribbon ay nakiiisa na rin at masayang lumabas at sumisigaw ng “BBM” habang dumadaan ang caravan ni Bongbong.

Ipinaramdam ng lahat ng UniTeam supporters ang kanilang kagalakang makita ang buong tiket.

Ang mga kadalagahan naman ay kilig na kilig nang makitang sinamahan ni Vinny ang kanyang ama.

Natapos ang caravan na nagsimula sa Teresita Jalandoni Provincial Hospital, Silay City bandang alas siyete sa Bredco Port, Bacolod kung saan ginanap ang grand rally ng UniTeam.

Papasok pa lang sa venue ng rally ay sinalubong muli si Bongbong ng ‘di mahulugang karayom na pulu-pulutong na mga tao.

Nagpasalamat si Negros Occidental Vice Governor Jeffrey Ferrer sa lahat ng taga-suporta na pumunta sa grand rally at naging dahilan kung bakit naging matagumpay ang naging pagtitipon.

Sumayaw at kumanta ang lahat ng patugtugin ang theme song ng UniTeam na “Bagong Lipunan”.

Nagpasalamat din si Bongbong sa mga taga-Bacolod City sa mainit nilang pagtanggap at ayon sa kanya ito ay patunay na ang kanilang panawagan ng pagkakaisa ay nakakarating na sa iba’t-ibang panig ng bansa.

“Alam ko ang ilan sa inyo matagal nag-antay kaya salamat sa pasensya ninyo. Ngunit sa aking palagay ay ito ang inyong pahayag ng suporta sa adhikain ng UniTeam — ang adhikain ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipinas,” wika niya.

“Kapag pinagsama-sama natin ang galing, ang husay, ang sipag ng bawat mamayang Pilipino na kumakapit bisig at humaharap sa lahat ng hamon na dumadating, napakatibay ng Republika ng Pilipinas, napakatibay ng Pilipino,” dagdag niya na sinalubong ng palakpakan at hiyawan.

Ayon kay Bongbong, madami pa ang kailangang gawin sa probinsiya, lalo na sa sektor ng agrikultura, MSMEs, enerhiya, imprastraktura, at kalusugan.

“Kanina kausap ko ‘yung ating mga sugar planters na napaka-importanteng bahagi ng agrikultura dito sa Negros Occidental at aming napag-usapan kung anong kailangan gawin,” sabi niya.

“Ngunit hindi lang agrikultura ang dapat nating tugunan. Kailangan din bigyan ng pagkakataon na makatulong sa maliliit na negosyante para makabalik na sila at dahan-dahan magdagdag ng trabaho sa ekonomiya. Kailangan na nating ayusin ang ating healthcare. Nakita naman natin nung dumating ang pandemiya, hirap na hirap tayo. Dagdagan po natin ang ating mga hospital, ibava natin ang serbisyo ng kalusugan sa taumbayan,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Bongbong na magpapatuloy ang UniTeam sa adhikain nitong pagkakaisa.

“Hindi makakalimutan ang gabing ito, dito tayo sa Bacolod. Dahil itong gabing ito dito nagsimula ang kilusan ng pagkakaisa sa Negros Occidental na dahan-dahang kakalat sa buong Region 6, 7, 8 at hanggang buong Pilipinas. Ipagpatuloy po natin ang ating sinimulan ngayong gabing ito, huwag po nating titigilan ang trabaho na ipinaglalaban at sinisigaw ang ating kilusan ng pagkakaisa,” pagpapatuloy niya.

Natapos ang rally bandang 9 ng gabi na dinaluhan ng 60,000 na tagasuporta ayon sa tala ng Philippine National Police (PNP).

Maliban sa tambalang BBM-Sara, dumalo rin ang UniTeam senatorial line up na sina Gringo Honasan, Gibo Teodoro, Herbert Bautista, Sherwin Gatchalian, Mark Villar, Larry Gadon, Jinggoy Estrada, at Dante Marcoleta. Pati si Robin Padilla na kanilang guest candidate ay pumunta din sa pagtitipon.