Calendar
Sikyu hinoldap pinagtatrabahuhang bangko
STA. CRUZ, Zambales ― Nasakote ang security guard na suspek ng pagnanakaw sa isang banko sa Iba, Zambales, matapos ang tatlong araw na manhunt na nagsimula noong Nobyembre 17.
Iniulat nitong Biyernes ni Col. Benjamin P. Ariola, police director, na nahuli ang suspek sa Barangay Pagatpat, Sta. Cruz, Zambales, ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan ng Sta. Cruz at Iba madaling araw ng Nobyembre 20.
Nanuna nito, nagsumbong sa tanggapan ng Iba Municipal Police Station (MPS) ang area manager ng isang banko sa Brgy. Palanginan noong Nobyembre 17, at ini-report ang pagnanakaw na naganap sa kanilang banko.
Sinabi ni Ariola na ang suspek ay mismong empleyado ng banko bilang security guard.
Pumasok pa diumano para mag-duty ang suspek ng araw na iyon, ngunit bandang tanghali ay bigla itong bumunot ng baril at tinutukan ang manager at nagdeklara ng holdap.
Natangay ng suspek ang pera na aabot sa P670,600 at isang cellphone, anang pulis.
Matapos makuha ang pera ay pumara ang suspek ng tricycle papuntang direksiyon ng bayan ng Botolan.
Ayon naman sa drayber ng tricycle, pagdating umano sa Posadas, Brgy. Palanginan, tinutukan na siya ng baril ng suspek at sapilitang inagaw sa kanya ang pulang tricycle, base sa report.
Natagpuan ang nasabing tricycle matapos itong abandonahin ng suspek sa isang gasolinahan sa Brgy. Dirita, Iba, Zambales.
Nakatanggap naman ng impormasyon ang himipilan ng Sta. Cruz MPS mula sa waiter ng isang bar sa Brgy. Pagatpat, Sta. Cruz, na isang lalaki ang diumano’y may dalang baril sa kanilang establisimyento.
Matapos ang pakikipagtulungan sa kapulisan ng Iba, nakumpirma na ang nasabing lalaki ay ang suspek sa pagnanakaw sa banko.
Agad namang pinaresponde ni PMaj. Ronnie G. Caagbay, ang kapulisan ng Sta. Cruz, sa tulong ng mga kapulisan ng Iba, at naaresto ang suspek.
Nakumpiska sa suspek ang isang .38 kalibre na baril, isang plastic sachet na may lamang .59 gramo ng shabu, isang granada at mga pera sa iba’t ibang denominasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Cruz MPS ang suspek, na mahaharap sa patong-patong na kaso ng robbery, carnapping at paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at sa RA 9516 o Illegal Possession of Explosives Law.
“Binabati ko ang ating mga pulis sa mabilis na aksyon at agad na nahuli ang suspek sa pagnanakaw na ito. Sinisiguro po namin sa publiko na pananagutin at hindi tatantanan ang sinumang lalabag sa batas sa ating probinsiya,” ani Ariola. Nina CHRISTIAN SUPNAD & BERNARD GALANG

