Calendar

Sikyu nagwasiwas ng baril sa harap ng Starbucks, huli
NAGTAKBUHAN sa takot ang mga tao sa harap ng isang sikat na coffee house nang magwasiwas ng hawak na baril ang senglot na sekyu Martes ng hapon sa Caloocan City.
Maging ang mga dumaraang motorista sa lugar ay nagitla rin nang bigla na lamang inilabas ng 27-anyos na si alyas “Koboy” mula sa dalang sling bag ang armas kaya’t isang rider ang pumara sa mobile car ng nagpapatrulyang tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan para isumbong ang pagwawasiwas ng baril ng suspek.
Inabutan pa ng mga tauhan ng District Tourist Police Unit (DTPU) sa harap ng Starbucks sa EDSA, Brgy. 86 si alyas Koboy na kaagad isinilid sa sling bag ang baril nang makita ang parating na mga pulis.
Nakumpiska sa inarestong suspek ang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng mga bala, holster, brown na sling bag, at security guard ID.
Ayon kay NPD Public Information Office (PIO) head Lt. Marcelina Pino, dinala ng mga tauhan ng DTPU ang suspek sa Caloocan Police Sub-Station 2 para sa wastong dokumentasyon sa ihahaing kasong Alarm and Scandal, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at B.P. 881 o Election Gun Ban laban sa kanya sa piskalya ng Caloocn City.