Martin

SIM Registration bill niratipika ng Kamara

194 Views

NIRATIPIKA ng Kamara de Representantes sa pangunguna ni Speaker Martin G. Romualdez ang bicameral conference committee report ng panukala na naglalayong gawing mandatory ang pagrerehistro ng mga bumibili ng SIM.

Sinabi ni Romualdez na ang SIM registration bill ang posibleng maging unang panukala na pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang maging batas.

“This may be the first of the many legislative measures that will be signed and enacted into law by President Marcos, Jr. in his six years of office,” sabi ni Romualdez.

Ang naturang panukala rin ang unang panukala na inaprubahan ng bicameral panel na binubuo ng mga kongresista at mga senador.

Ayon kay Romualdez magiging game changer ang panukala upang matugunan ang dumaraming bilang ng mga naloloko sa pamamagitan ng SIM.

Kung makikilala na umano ang may-ari ng SIM ay magdadalawang isip na ang may-ari nito na gumawa ng kalokohan, at ng gagamitin man ang SIM ay magiging madali na sa otoridad na makilala ito.

Ang panukala ay akda nina Romualdez, Representatives Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos at Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre.

Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng bibili ng SIM ay dapat na magrehistro at magpakita ng valid identification card.

Ang mga SIM card na nabili bago ang pagsasabatas ng panukala ay kailangang magrehistro kung hindi ay magde-deactivate ang kanilang numero.