Xmas Party

Simpleng Xmas party ng mga ahensiya ng gobyerno, suportado ni Rep. Dy

Mar Rodriguez Dec 3, 2024
69 Views

Xmas PartySINUSUPORTAHAN ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino “Inno” A. Dy V ang naging apela ng Palasyo para sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan na maging matipid ang padiriwang nila ng Pasko ngayong taon sa pamamagitan ng pagdaraos ng kanilang taunang Christmas party.

Ayon kay Dy, Vice-Chairperson ng House Committee on Tourism, ang pagkakaroon ng payak at hindi magarbong Christmas party ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan ay bilang pagtalima sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Sabi ng kongresista na ang naturang panawagan ng Pangulo ay bilang pakikisama o pakikisimpatya din sa ilang mamamayan na dumanas ngayong taon ng iba’t-ibang krisis kabilang na dito ang pananalanta ng malalakas na bagyo na gumupo sa kanilang kabuhayan.

Pagdidiin ni Dy na napakahalagang maipakita ng administrasyong Marcos, Jr. ang pagiging sensitibo ng pamahalaan sa nakalulunos na kalagayan ng mamamayan lalo na ang mga mahihirap na Pilipino. Kaya dapat lamang na maging simple ang pagdaraos ng mga Christmas party sa mga ahensiya ng gobyerno.

Paliwanag ni Dy na hindi naman ipinagbabawal ang pagdaraos ng taunang Christmas party subalit kinakailangan lamang itong gawing payak upang maiwasan din ang kritisismo mula sa ilang sektor na masyado umanong “nega” sa administrasyong Marcos, Jr.

Nauna rito, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang naging kautusan ni Pangulong Marcos, Jr. ay pakikiisa at pakikisimpatya para sa milyong-milyong Pilipino na kasalukuyan parin nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng kanilang tahanan at kabuhayan bunsod ng nagdaang bagyo.

Samantala, ipinabatid naman ni Dy na inaprubahan na sa Plenaryo ng Kamara de Representantes ang pitong panukalang batas na naglalayong itaguyod ang kapakanan ng mga Pilipino at tiyakin ang mas mataas na kalidad ng buhay.

Ayon kay Dy, kabilang sa mga panukalang batas na inaprubahan ay ang tumatalakay sa oportunudad para sa mga Senior Citizens, OFW Remittance Protection Act, pagsasa-ayos ng mga holiday, pagpapabuti ng sistema ng transportasyon sa panahon ng mga kalamidad at OFW Financial Education Act.

To God be the Glory