Barbers

Simula ng impeachment trial vs VP Sara di usapin kung sino ang panalo o talo

Mar Rodriguez Jul 7, 2026
39 Views

BINIGYANG linaw ni House prosecution panel spokesperson at dating Surigao del Norte 2nd District Rel. Robert Ace S. Barbers na hindi usapin ng kung sino ang panalo o talo sa pagsisimula ng paglilitis laban kay Vice President Sara Z. Duterte kundi ito ang umpisa ng paghahanap at pagsasaliksik ng katotohanan.

“The notion that nanalo o natalo ang prosecution, mali po yan,” ani Barbers. “Dahil ang nangyari ngayong araw na ito, nakita naman natin na nag-umpisa ang trial,” ang pahayag ni Barbers.

Ayon kay Barbers, marami ang nagsabi bago magsimula ang pagdinig na posibleng hindi matuloy ang impeachment trial.

“Napakaraming sinabi before the trial started kasi maraming stories na hindi daw ito matutuloy,” sabi ni Barbers.

Tinalakay rin ni Barbers ang kautusan ng impeachment court na ibalik sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang selyadong kahon ng mga dokumento at iginiit na hindi nito inaalis ang halaga ng mga ito bilang ebidensya.

“Yes, totoo binalik ang BIR box, but this does not mean nawala na ang evidentiary value ng ebidensyang ito,” ani Barbers.

Ipinaliwanag niya na maaari pa ring muling iharap ng prosekusyon ang mga dokumentong ito sa tamang yugto ng paglilitis.

“At the proper time, ibabalik po ito, i-o-offer po ulit ito ng ating prosecution, and hopefully the court will admit this as an evidence,” dagdag ng dating mambabatas.

Binigyang diin ni Barbers na nananatiling mahalaga ang mga dokumento bilang ebidensya kahit hindi pa ito nasa kustodiya ng impeachment court.

“So sa ngayon ay nandiyan lang iyan at hindi naman nawawala ang kanyang value as an evidence,” aniya.

Sinabi rin niya na magpapatuloy ang prosekusyon sa paghaharap ng mga ebidensya habang umuusad ang paglilitis.

“So as the trial progresses, I’m sure marami pang mga itutulak ang ating prosecution para mapagtibay ang articles of impeachment against the respondent,” pagtatapos ni Barbers.