Calendar
Simulation exercise lang video ng pagsukol sa 3 lalaki — QCPD
NILINAW ng Quezon City Police District (QCPD) na bahagi lamang ng police simulation exercise ang viral video na nagpapakita ng pag-aresto sa tatlong lalaki sa Xavierville Avenue, Quezon City.
Ayon sa QCPD, isinagawa ang aktibidad dakong alas-9:20 ng umaga noong Nobyembre 10 bilang bahagi ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) Challenge 2026.
Sinabi ng pulisya na kontrolado ang naturang pagsasanay at isinagawa sa koordinasyon sa kinauukulang barangay upang masukat at mapahusay ang kahandaan ng mga tauhan sa pagtugon sa mga emergency at kritikal na sitwasyon.
Kasabay nito, pinayuhan ng QCPD ang publiko na huwag agad maniwala sa mga kumakalat na video at impormasyon sa social media at tiyaking sa mga opisyal na channel kumukuha ng impormasyon upang maiwasan ang maling pagkaunawa sa mga insidente.

