Calendar

Sinapit ni Duterte kailangan talagang mangyari dahil sa kinasangkutan nitong krimen -Valeriano
BINIGYANG DIIN ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano na ang ginawang pag-aresto ng mga tauhan ng International Police (Interpol) kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay kinakailangang mangyari sa lahat ng mga taong lumalabag sa batas partikular na ang walang habas at brutal na pagkitil sa buhay ng napakaraming inosenteng sibilyan.
Ipinaliwanag ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na ang kinasapitan ng kapalaran ng dating Pangulo ay resulta lamang ng krimeng kinasangkutan nito noong panahon ng kaniyang administrasyon sa pamamagitan ng madugo at brutal na war-on-drugs campaign nito.
Muling pagdidiin ng kongresista na kinakailangang panagutan ni Duterte ang mga naganap na pagpatay sa tinatayang 30,000 inosenteng biktima na walang pakundangang pinagpapatay o sinalvage ng mga pulis na mas kilala bilang Extra-Judicial Killings (EJK) kung saan maging mga menor-edad na bata ay hindi aniya nakaligtas sa lupit ng kampanyang ito.\
Dahil dito, nananawagan si Valeriano sa mamamayang Pilipino lalo na sa mga supporters ng dating Pangulo na tanggapin na lamang nila ang naging kapalaran ni Duterte sapagkat ang kasong isinampa laban sa kaniya ay mayroong probable cause batay sa mga matitibay na ebidensiyang nakalap ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa EJK.
Paliwanag pa ni Valeriano na batay sa dokumento ng ICC, may matibay na basehan o grounds para maisampa ang kaso laban kay Duterte batay sa Article 58 (1) ng Rome Statute. Kung saan, napatunayan aniya na ang dating Pangulo ay criminally liable o responsible para sa crimes against humanity.
“The document is a warrant of arrest issued by pre-trial chamber 1 of the International Criminal Court (ICC) on March 7, 2025 against former President Duterte. The arrest warrant was issued pursuant to Article 58 (1) of the Rome Statute. Citing reasonable grounds to believe that Duterte is criminally responsible for crimes against humanity,” wika nito.
Kasabay nito, ipinahayag din ni Valeriano na ang pag-aresto kay Duterte ay pagsisimula ng paggulong ng katarungan para sa napakaraming biktima ng EJK o war-on-drugs na maituturing na “palpak” dahil ang karamihan aniya sa mga napatay ay mga inosenteng tao na pinaghihinalaan lamang na drug users o pushers.
Sabi ni Valeriano na panahon na para makamit ng mga pamilya ng tinatayang 30,000 biktima ng EJK ang hustisya para sa kanilang mga namatay na kaanak sapagkat ilan sa mga napatay ay maituturing na “colateral damage” lamang.