Calendar
Sindikato sa DFA buwagin
HABANG ang mga Filipino ay nahihirapan at hindi alam kung paano makakakuha ng kanilang slot o schedule para sa pagkuha ng passport sa Department of Foreign Affairs (DFA) isang mayamang Chinese national ang naharang kamakailan sa airport dahil sa gamit nitong Philippine passport sakay ng isang mamahaling private jet papuntang Maldives para magbakasyon.
Sa ulat ni APSupt. Lolita de Ocampo, manager, Airside Police Division ng Manila International Airport Authority (MIAA), nasabat ang Chinese national habang papasakay sa isang private chartered plane na papuntang Maldives.
Nakilala ang suspek na si Kaidi Xu, ng Shanghai, China. Nahuli sa kanya ang gamit niyang Philippine passport gamit ang pangalang Mark Anthony Cobeng. Bagama’t orihinal ang ginamit na passport lumalabas pa ring peke ito at ilegal dahil sa maling paggamit nito ng pangalan at pagpapanggap na isa siyang Filipino.
Lumalabas din sa imbestigasyon na kinuha ng Chinese ang pangalan sa isang pitong taong gulang na batang Filipino.
Patuloy ang imbestigasyon ng airport authorities para matukoy ang nasa likod ng nag-isyu passport sa Chinese national habang inihahanda ang kaso na pwedeng isampa sa suspek.
Ang tanong, paano nakakuha ng Philippine passport ang isang Chinese national sa ating DFA? Pahirapan ang slot sa kanilang ahensya pero ang mga banyaga mukang madaling nakakakuha ng passport. Paano kaya ipapaliwanag ito ng DFA?
Mukhang totoo ang balita na may sindikato sa loob na kumikita ng malaking halaga para makakuha ng passport kahit mga banyaga. Balita ko, milyon daw ang kitaan dito.
Mukang totoo rin ang balita ukol sa napaulat kamakailan na mayroong “slot for sale” sa DFA para sa schedule ng passport.
Nakakabahala ito dahil paano kung mga ilegalista ang nakakakuha ng Philippine passport natin tulad ng mga drug trafficker at mga smuggler?
Mukang may malaking problema sa loob ng DFA. Dapat agad mabuwag ang sindikato sa loob para matigil na ang kalokohan dito.