Ka Buchoy

Sino ang karapat-dapat sa Department of Health?

Ka Buchoy May 30, 2022
947 Views

DOH

KAMAKAILAN lamang ay inendorso ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sina Dr. Edsel Salvana at Dr. Teodoro Herbosa bilang parehong karapat-dapat maging susunod na Kalihim ng Kalusugan (DOH).

Bukod sa pagiging manggagamot, si Dr. Salvana ay isa ring agham at DOH Technical Advisory Group and Director sa Institute of Molecular Biology and Biotechnology at the National Institutes of Health at the University of the Philippines (UP)-Manila.

Si Dr. Herbosa naman ay kasalukuyang medical adviser of the National Task Force Against COVID-19. Bukod sa pagiging Trauma Surgeon, Chairman ng Emergency Medicine at Guro ng Medisina sa UP College of Medicine, siya rin ay isang tanyag na dalubhasa sa Disaster and Crisis Management na kinikilala na World Health Organization (WHO). Siya rin ay naging Executive Vice President ng University of the Philippines System.

Kung inyong matatandaan, sina Dr. Herbosa at Dr. Salvana ay dalawa sa mga pangunahing tinig ng pamahalaan sa pakikibaka nito laban sa pandemya, lalo na sa mga pinakamadilim na araw nito. Naging tanyag si Dr. Salvana, gamit ang kaniyang kaalaman at karanasan sa medisina, sa pagpawi ng takot, pangamba at agam-agam patungkol sa COVID-19. Siya ang isa sa mga namumukod-tanging lumaban at nagpasinungaling sa mga kumakalat na fake news.

Si Dr. Herbosa naman ay tumutok sa Vaccination Program ng pamahalaan bilang medical adviser. Kung inyong maaalala si Dr. Herbosa ang siyang naging tinig ng pag-asa sa sari-saring media outlet. Ito’y dahil sa kaniyang tuwi-tuwinang paghatid ng makatotohanang ulat patungkol sa programa ng pagbabakuna, bagay na ngayon ay matuturing na isang malaking tagumpay.

Sino sa dalawa, kung ganoon, ang naaangkop maging susunod na Kalihim ng Kalusugan? Lalo na’t pareho silang magaling sa kani-kaniyang larangan?

Ngayon pa lamang ay magtatapat na ako sa inyo, mga giliw na tagapag-basa. Si Dr. Herbosa ay hindi lamang matalik kong kaibigan. Pareho kaming lumaking estudiante ng San Beda sa Mendiola mula elementarya hanggang Mataas na Paaralan; at kami’y nagtagpo muli sa UP Diliman at parehong naging kasapi nbg kapatirang Upsilon Sigma Phi, na kinabibilangan din nina Ferdinand Marcos, Sr, Ninoy Aquino, Doy Laurel at Boying Remulla.

Sa ganang akin, at mawalang galang na kay Dr. Salvana, si Dr. Ted Herbosa ang karapat-dapat italaga bilang Kalihim ng DOH. Bakit ika ninyo?

Unang-una, ang puesto ng Kalihim ay hindi gantimpala. Ito’y napakahalagang gawain na kumakatawan sa batayang pangangailangan ng sambayanang Pilipino: ang pangangalaga sa kalusugan o Health Care.

Sa ganitong dahilan, ang karanasan at mga qualificacion ni Dr. Herbosa ang siyang angkop hindi lamang sa pangkasalukuyang pangangailangan, kung hindi sa hinaharap na pangangailangang pangkalusugan ng sambayanang Pilipino: ang pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan o Universal Health Care.

Lingid sa kaalaman ng marami si Dr. Herbosa, noong siya pa ay Undersecretary of Health sa panunungkulan ni Kalihim Ona, ay isa sa mga humubog ng Universal Health Care Law. Ito ay bagay na napakahalaga gayung isa sa mga magiging batayang polisiya ng magiging Pangulong si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr ay ang lubos na pagpapatupad ng naturang batas.

Minsan ay sa paksang Universal Health Care (UHC), kapansin-pansin na sa mga talumpati ni BBM, nabanggit niya ang “National Health Service” o NHS ng Gran Britanya; na ito ang magiging huwaran ng implementasyon ng UHC. Ano naman ika ninyo ang nalalaman ni BBM tungkol sa NHS at UHC? Simple lamang po. Nasaksihan at naranasan mismo ni BBM ang palakad ay servicio ng NHS sa Inglatera noong siya’y estudiante pa doon. Kanyang namalas kung papaano ito tumutugon sa lahat ng pangangailangang pangkalusugan ng taong bayan mula sa lahat ng antas ng lipunan: mula manggagawa hanggang sa mga dugong bughaw.

Sana ay mapusuan ni BBM si Dr. Ted na gawing Kalihim ng Kalusugan sa simpleng dahilan na ang karanasan at dunong ni Ted sa Medisina at sa Public Health Policy ang siyang hinihiling ng kasalukuyang sitwasyon, lalo na ang pagsuporta sa pagsulong ng ekonomiya.

Hindi rin maliit na bagay ang katotohanang hindi na siya ibang tao sa DOH ganung nanungkulan na siya doon bilang Undersecretary.

Higit sa lahat siya ay taong may prinsipyo at handang ipaglaban ang sa tingin niya ay tama at makatuwiran bagay na kaniyang pinatunayan noong siya ay Executive Vice President ng Unibersidad ng Pilipinas.

Hanggang dito na lamang po. Amping ta kanunay mga paisano, mga abang, kabayan ug kasangkayan. Hanggang sa susunod.