bro marianito

Sinulat ni Bro. Marianito Agustin, O.P.

204 Views

Wala tayong maipagmamalaki sa harap ng Panginoong Diyos dahil kung anoman ang mayroon tayo, iyan ay ipinahiram lamang sa atin (Mateo 8:5-13)

“Ngunit sumagot ang opisyal. “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong”. (Mateo 8:8)

WALANG sinoman sa atin ang maaaring magmalaki o magyabang sapagkat kung anoman ang mayroon tayo ngayon dito sa iababaw ng mundo. Iyan ay ipinahiram at ipinagkatiwala lamang sa atin ng Panginoon. Wala tayong maipagmamalaki sa harap ng Diyos dahil tuldok lamang tayo kung ikukumpara sa kaniya.

Mayroong mga tao na sadyang ang pakiramdam nila ay “entitled” sila o feeling nila ay titulado sila at mas nakaka-angat kumpara sa isang ordinaryong tao. Nabigyan lamang sila ng maliit na posisyon halimbawa. Subalit ang tingin nila sa kanilang sarili ay napaka-laki na nilang tao.

Kaya naman may mga nababalitaan tayo na ang isang tao ay walang pakundangan at walang habas na nagma-maliit ng kaniyang kapwa. Sapagkat ang tingin nga nito sa kaniyang sarili ay napaka-laki o “bigatin” sa salitang kanto habang ang tingin naman niya sa kaniyang kapwa ay masyadong mababa.

Ipinapa-alaala sa atin ng Mabuting Balita (Mateo 8:5-13) ang pagpapakumbaba na matutunghayan natin sa kuwento ng isang opisyal ng hukbong Romano (Roman official) na lumapit kay Jesus para ipaki-usap ang kaniyang katulong na kasalukuyang may-sakit at paralisado. (Mateo 8:5-6)

Bagama’t mataas ang katungkulan ng Roman official. Gayunman, hindi niya ipinakita at ipinaramdam kay Jesus ang kaniyang “authority” at lalong hindi niya ipinamukha kay Kristo na siya ay “entitled”, bagkos ang ipinamalas ng Romanong opisyal ay ang kaniyang kababang loob o humility. (Mateo 8:8-9)

Inamin mismo ng Roman official sa harapan ng ating Panginoon na bagama’t siya ay mayroong kapangyarihang katulad ni Jesus. Para sa kaniyang sarili, hindi siya karapat-dapat pang puntahan ng Panginoon sa kaniyang tahanan dahil maaaring inaamin nito sa kaniyang sarili na siya ay isang makasalanan. (Mateo 8:8)

Sa harapan ng ating Panginoon, inaamin ng Roman official na bagama’t mataas ang kaniyang katungkulan. Ngunit kung ikukumpara naman siya kay Jesus ay “tuldok” lamang siya at napakaliit niya kung ihahalintulad siya sa ating Pangunoon. Samakatuwid, inaamin niya ang kaniyang kahinaan.

Ang kuwento ng Roman official na ito ay isang paalala para sa ating lahat na walang sinoman sa atin ang maaaring magmalaki at magmataas sa harapan ng ating Panginoong Diyos at wala sinoman sa atin ang maaaring magsabing siya ay “entitled” dahil ang lahat na mayroon tayo ay ipinahiram lamang sa atin ng Diyos.

Walang karapatan ang sinoman sa atin na sabihin na porke’t mataas ang ating katungkulan sa buhay ay hindi tayo dapat bumaba sa level ng isang ordinaryong tao na madalas nating naririnig sa mga taong ang tingin sa kanilang sarili’y napaka-tayog ng kanilang katayuan sa buhay.

Gaano man kataas ang kinalalagyan natin ngayon, huwag tayong magpapaka-siguro at maging kampante. Sapagkat sa oras na iyan ay bawiin sa atin ng Panginoong Diyos tayo ay lalagpak at sasayad din sa lupa. “Ang mga bagay na nasa itaas ay nahuhulog din sa ibaba at ang nasa ibaba ay umaakyat paitaas”. (humility)

Isang napakagandang ehemplo ang ipinakita ng Roman official sa Ebanghelyo, ibinaba niya ang kaniyang sarili sa harapan ng Panginoong Jesus. Dahil batid nito sa kaniyang sarili na tuldok lamang siya at ang kaharap niya ay “Anak ng Diyos” kaya hindi niya ginamit ang kaniyang “authority” o katungkulan.

Mayroon ngang kasabihan na “Huwag tayong malasing sa isang basong alak”. Ang ibig sabihin nito, huwag tayong umasta na malaki o magyabang halimbawa sa kapirasong tagumpay na nakamit natin.

May ilang tao kasi na ang pakiramdam nila sa kanilang sarili ay kaya na nilang apakan ang kanilang kapwa sa maliit na tagumpay na mayroon sila. Sa madaling salita ay feeling VIP na sila o Very Important Person.

Ang leksiyon na itinuturo sa atin ng Pagbasa ay ang “humility” o kababaang loob. Matutunan nawa natin ang magpakumbaba. Gaano man kataas ang ating katayuan sa buhay, sana ay huwag natin malimutan ang maging humble at sikapin natin na nakasayad parin sa lupa ang ating mga paa.

Ang titulo natin dito sa lupa ay dito lamang iyan sa ibabaw ng mundo. Hindi natin iyan madadala sa ating pupuntahan at higit sa lahat. Iyan ay ipinahiram lamang sa atin ng Panginoong Diyos, anomang oras ay kayang-kaya niya itong bawiin sa atin. Kaya huwag sanang maging mataas ang tingin natin sa ating sarili.

Laging ipinapaala ni Jesus sa kaniyang mga pangangaral na “Ang nagmamataas ay ibinababa at ang nagpapakumbaba ay itinataas”. (Mateo 23:12)