Calendar

SMC expressways popostehan ng LTO enforcers
INIUTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II nitong ang pagde-deploy ng mga enforcer sa mga expressway sa Luzon na pinapatakbo ng San Miguel Corporation (SMC).
Layunin ng hakbang na tiyakin ang kaayusan ng mga motorista sa mga expressway sa gitna ng isinasagawang kilos-protesta ng mga deputized enforcers ng South Luzon Expressway (SLEX) na umano’y may kinalaman sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga manggagawa at pamunuan.
Ayon sa paunang resulta ng imbestigasyon, ang kilos-protesta ng mga deputized enforcers ng SLEX ang naging dahilan ng pag-pull out ng SMC management sa kanilang mga enforcer mula sa iba pang expressway upang italaga sa SLEX.
Ayon kay Asec Mendoza, kinakailangan na ang interbensyon ng LTO sa aspeto ng enforcement dahil ang nakataya ang kaligtasan ng mga motorista na bumabagtas sa mga apektadong lugar.
Bilang bahagi ng naturang hakbang, inatasan na ni Asec Mendoza ang mga Regional Director ng LTO sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON at National Capital Region na maghanda at magpadala ng kani-kanilang enforcement teams.
Batay sa kautusan, ang mga enforcer ng LTO Region 1 at Region 3 itatalaga sa Tarlac–Pangasinan–La Union Expressway (TPLEX), habang ang mga enforcement teams mula sa NCR susuporta sa mga deputized enforcers sa Skyway.
Ang LTO-CALABARZON naman inatasang tumulong sa SLEX at iba pang expressway sa katimugang bahagi ng Luzon na pinapatakbo ng SMC.
Sinabi rin ni Asec Mendoza na magpapadala ang LTO Central Office ng karagdagang enforcement teams sa mga expressway na nangangailangan ng dagdag na tauhan.
Gayunman, ipinahayag ni Asec Mendoza ang kanyang pagkabahala sa ulat na ilang bahagi ng expressway sinasabing binabarikadahan ng mga nagpoprotestang enforcer.
“Habang iginagalang natin ang kanilang karapatang ipahayag ang kanilang hinaing, hindi siguro tama na harangan ang ilang bahagi ng expressway dahil bukod sa nakakaabala ito, nalalagay din sa peligro ang kanilang mga buhay,” ani Asec Mendoza.