Suarez

SMNI exec hindi kumasa sa hamon na itaya ang prangkisa

169 Views

Sa inilabas na P1.8B travel expenses ni Speaker Romualdez

HINDI kumasa ang dalawang mataas na opisyal ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa hamon ng isang mambabatas na itaya ang kanilang prangkisa sa alegasyong lumabas sa isa sa kanilang programa na gumastos si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng P1.8 bilyon sa biyahe.

Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises nitong Huwebes, sinabi ni Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez na magbibitiw siya sa pwesto kung mapatunayan na totoo ang sinasabing ginastos ni Romualdez.

“If you could prove that the P1.8 billion (travel funds) is true, I would resign. But if I could prove that the P1.8 billion that your program stated is false, ilagay nyo dito ‘yung prangkisa nyo on the line (put your franchise on the line),” ani Suarez, isang House deputy majority leader.

Kapwa dumalo sina SMNI president Marlon Rosete at legal counsel Mark Tolentino sa pagdinig na ipinatawag matapos umere sa programang “Laban Kasama Ang Bayan” ang impormasyon kaugnay ng gastos sa biyahe.

Sa talumpati ni Suarez sa plenaryo noong Martes ay tahasan nitong pinuna ang alegasyon na isa umanong paninira at fake news.

Sa pagdinig tinanong ni Suarez sina Rosete at Tolentino kung payag sila sa kanyang hamon.

“Payag ka? Yes or no,” tanong ni Suarez kay Tolentino.

Tugon naman ni Tolentino, “I cannot answer that Mr. Chair, I’m just a lawyer. That’s not part of my authority.”

Kalaunan ay humindi si Tolentino sa hamon ni Suarez.

“Ah hindi, so kasi alam nyo nang alanganin. Kasi alam nyong alanganin. Alanganin kasi ‘yung statement na ‘yun,” ani Suarez.

Tugon naman ni Rosete, “I have no right to decide; I think I have to ask the board of directors.”

Naniniwala si Suarez na ang kabiguan ng SMNI na patunayan ang alegasyon ay direktang paglabas sa kanilang prangkisa.

“Nangangatog na ‘ata tuhod nito,” sabi ni Suarez

Sina Lorraine Badoy at Jeffrey “Ka Eric” Celiz, ang host ng programa at kapwa huli na ng dumating sa pagdinig.

Sabi ni Tolentino na nagsasagawa na sila ng internal investigation kaugnay sa pahayag ng isa sa program host

Una nang humingi ng paumanhin si Celiz kay Speaker Romualdez at sa Kamara matapos nitong aminin na siya ay walang pruweba na gumatos ng P1.8 billion si Speaker Romualdez para sa biyahe.

Ayon kay Celiz mayroong siyang dalawang source sa naturang impormasyon, isang unlisted at isa na dati na nitong nakukuhanan ng impormasyon at nagtatrabaho sa Senado.

“We are very much willing to admit that, indeed, the source was wrong. In this committee hearing, we are very appreciative of the guidance provided by the data,” sabi ni Celiz.

Ipinunto nito na hindi niya layunin na bastusin ang Kongreso ngunit nanindigan na sakop ang kanyang ginawa ng “editorial authority.”

“Without any intent of malice or imputing any sign of disrespect to the Speaker of the House because we presume it is part of our editorial authority and policy as well to open questions pertaining to public interest issues,” ani Celiz.

Sa pagtatanong ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ay binawi ni Celiz ang alegasyon.

“If that will heal the wound of the degree of insult that was forwarded to Congress, if that will be the effect, it is not a problem for me personally because it is our job to point out mistakes but it is also our duty to ask questions… Yes sir, my answer is on the affirmative,” ani Celiz.

Sa pagdinig ay iniulat ni House Secretary General Reginald Velasco na gumastos lamang ang Office of the Speaker, House Secretariat, at lahat ng miyembro ng Kamara ng P39,605,123 sa mga biyahe mula Enero hanggang Oktubre 2023, at P4,347,712 dito ay sa Office of the Speaker.

Inatasan ng plenaryo ang House franchise panel na imbestigahan ang naturang ulat ng SMNI kasunod na rin ng iba pang resolusyong inihain laban sa network dahil sa umano’y pagpapakalat ng “fake news” at red tagging.

Sa kaparehong pagdinig ay tinukoy ng National Telecommunications Commission (NTC) ar Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang posibleng paglabag ng SMNI kaugnay ng ikinalat na maling impormasyon laban kay Speaker Romualdez.

Ayon kay NTC Deputy Commissioner Alvin posibleng nalabag ang Section 4 ng prangkisa na tumutukoy sa maling pagbabalita at pagpapakalat ng maling impormasyon.

Ang kanyang tinutukoy ay ang nakasaad sa Republic Act 11422, ang batas na nagbigay ng prangkisa sa SMNI kung saan nakasaad na hindi nito gagamitin ang istasyon at pasilidad nito para magpakalat ng maling balita.

Sa panig naman ni Atty. Rudolph Jularbal, Vice President for Legal and Regulatory Compliance Group ng KBP, posibleng lumabag ang SMNI matapos payagan umere ang mga host nito na hindi accredited ng KBP.

Bagamat accredited sa KBP ang SMNI, ay hindi naman accredited sina Celiz at Badoy na isang paglabag sa panuntunan ng ahensya.

Binigyang diin naman ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting, chair ng House franchise panel, ang kahalagahan ng patas at tapat na paguulat at ang pagsunod ng mga media practitioner sa Broadcaster’s Code of the Philippines.

Bagamat may kalayaan sa paglalahad at pamamahayag, sinabi ni Tambunting na ang mga istasyon ng telebisyon at radyo at saklaw ng kapangyarihan ng Kongreso.

Responsibilidad aniya ng komite ang pagbibigya, pagbabago, pagpapalawig o pagbawi sa prangkisa ng mga ito.

Nasa kapangyarihan din aniya nito na alamin kung nakasusunod ang franchise grantees sa mga kondisyong inilatag sa kanilang prangkisa.

Magsasagawa muli ang komite ng pagdinig sa Disyembre 5.

Maliban sa gastos sa biyahe ng Speaker, sinisiyasat din ng komite ang umano’y pagpapakalat ng fake news at red tagging ng SMNI salig sa resolusyon ng Makabayan bloc, at ang hiwalay na resolusyon ni ACT Teachers Rep. France Castro laban sa grave threat o pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na inere ng SMNI.