Vic Reyes

Smuggling kayang sugpuin kapag may pagkakaisa

Vic Reyes Mar 5, 2025
38 Views

ISANG magandang araw sa lahat ng ating suki, lalo na ibang bansa.

Binabati natin ang mga kababayan natin sa Japan na sina: Winger dela Cruz, Ma. Theresa Yasuki, La Dy Pinky, Endo Yumi, Patricia Coronel, Tata Yap Yamazaki, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Roana San Jose at kay Hiroshi Katsumata, ang kasangga ng mga Pinoy dyan sa Japan.

Ganun din kay Joann de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman.

Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan at kalusugan.

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa # +63 9178624484)

***

Matitigil pa kaya ang ismagling sa Pilipinas?

Sa tingin ng marami, kasama na ang mgawaterfront-based journalists, ay parte na ng buhay ang ismagling.

Noong unang panahon pa ay nandiyan na ang problemang ito na nakakaapekto sa revenue collection efforts ng Bureau of Customs (BOC).

Marami ng naging Pangulo ng Pilipinas at nagsilbing BOC commissioner pero nandiyan pa rin ang ismagling.

Sa pamamagitan ng technical o outright smuggling ay nakakapasok ang mga kontrabando sa bansa.

Mas magastos ang outright smuggling kumpara sa technical smuggling.

Ang technical smuggling ay ginagawa sa pamamagitan ng misdeclaration, undervaluation at iba pang pandaraya.

Ito ay sa tulong ng mga tiwaling opisyal at kawani ng BOC sa iba’t bang ports of entry.

Ang outright smuggling ay kailangan mong isakay sa barko o eraplano ang mga kontrabando.

Noon ngang nakaraang Marso 3 ay nakasakote ang mga operatiba ng BOC at Department of Agriculture (DA) ng mgapuslit na frozen mackerel.

Nagkakahalaga ng mahigit na P121 milyon, ang kontrabando ay nakalagay sa 19 40-footer containers.

Ang frozen mackerel, na galing China, ay idineklarang mga dried taro. Ito ay dumating sa Port of Manila (POM) noon pang Enero 2025.

Pero idinaan ang mga kargamento sa intrusive and non-intrusive examination.

Pagkatapos nito ay nag-isyu kaagad ng alert order laban sa kargamnto ang Office of the District Collector.

At noong Pebrero 18 at 19 dumaan sa physical examination at dito nakita ang talagang laman ng mga container.

Dito na nag-isyu ng warrant of seizure and detention si District Collector Alexander Gerard Alviar laban sa kargamento.

Lumabag daw sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang nasabing importasyon galing China.

Dahil mahirap patigilin ang ismagling, dapat laging alerto ang BOC laban sa pagpasok ng mga kontrabando sa Pilipinas.

Kaya nating pigilan ang ismagling basta determinado ang lahat na magtulungan sa lahat ng oras.

Hindi ba, Commissioner Bienvenido Y. Rubio?

***

Marami ang naniniwala na lalo pang iinit ang mundo, kasama na ang Pilipinas, dahil sa epekto ng climate change.

Kitang–kita ito sa nararanasang matinding init ng panahon sa Metro Manila at ibang lugar sa Luzon.

Ang masakit, patuloy pa ring pinuputol ang mga natitirang punong kahoy sa maraming lugar sa bansa.

Kapag wala na ang mga punong kahoy ay talagang iinit ang komunidad.

Ang kawawa dito ay ang mga bata, matatanda,may sakit, magsasaka at mga estudyante.

Iinit pa ang panahon dahil sa patuloy na paggamit natin sa tinatawag na fossil fuels.

Ang tanging magagawa natin ay umiwas na lang tayo sa mga maiinit na lugar.

O mamasyal sa mga shopping mall na kadalasan ay fully-airconditioned.