Goitia Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA, bukod pa sa iba.

Soberanya ng PH di matitinag ng mga kuwento

Jon-jon Reyes Jan 2, 2026
247 Views

ANG pagtatangkang ipinta ng Tsina ang kontrol nito sa Scarborough Shoal bilang usapin ng “pangangalaga sa kalikasan” ay hindi nagbabago ng katotohanan. Kahit balutin sa magagandang salita, hindi nito napapalitan ang batas, at lalong hindi nito nabubura ang karapatan ng Pilipinas na kinikilala ng kasaysayan at ng pandaigdigang batas.

Sa mga nagdaang araw, sunod-sunod na ulat mula sa mga media na malapit sa estado ng Tsina ang naglalarawan sa Beijing bilang tagapangalaga ng Scarborough Shoal, habang ang mga mangingisdang Pilipino at presensya ng Pilipinas ang ginagawang problema.

“Hindi na ito bago,” sabi ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia. “Matagal nang ginagamit ang magagandang salita para pagtakpan ang okupasyon. Nagbago lang ang bihis. Ngayon, conservation na ang tawag. Hindi nababago ng magagandang salita ang legal na katotohanan,” ani Goitia. “Hindi mo puwedeng tawaging pangangalaga ang isang bagay na wala kang karapatan.”

Dagdag ni Goitia na bago pa ang mga patrol at ulat, naroon na ang mga mangingisdang Pilipino sa mga katubigang ito. Dito sila nabuhay at dito nila itinaguyod ang kanilang pamilya.
“Hindi pumasok ang ating mga mangingisda bilang mga lumalabag,” sabi ni Goitia. “Ito ang dagat na kinalakihan nila at dito sila naghanapbuhay.”

Ayon mismo sa mga ulat ng Tsina, nananatiling maayos at malusog ang bahura sa lugar. Kung gayon, mahirap ipilit na ang Pilipinas ang sanhi ng sinasabing pinsala.

“Kung maayos ang bahura, walang batayan ang paratang,” sabi ni Goitia. “Kung may problema man, kailangang patas ang pagsusuri at isama ang epekto ng matagal na presensya ng malalaking barko, mga blockade, at mga paghihigpit.”

Ayon kay Goitia, ang mga pahayag na inaangkin ng Tsina ang Palawan ay walang batayan. Hindi ito sinusuportahan ng kasaysayan, batas, o anumang kasunduan.
Ang Palawan ay malinaw na bahagi ng Pilipinas, kinikilala ng pandaigdigang komunidad at pinamamahalaan ng bansa sa mahabang panahon, aniya.

Sa ilalim ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., malinaw ang direksyon: batas ang sandigan at institusyon ang lakas, diin ni Goitia.

Nangunguna ang Philippine Coast Guard sa pagbabantay sa ating karagatan at pagprotekta sa mga mangingisda, habang malinaw ang tindig ng Department of National Defense sa pamumuno ni Secretary Gilberto Teodoro na ang soberanya at karapatan ng Pilipinas ay hindi tinatakot at hindi tinatawaran.

“Hindi ito palabas,” sabi ni Goitia. “Ito ay seryosong pamamahala.”