COA

Sobrang pondo ng Kamara umabot ng P4.7 bilyon

Mar Rodriguez Jul 9, 2023
189 Views

UMABOT sa P4.7 bilyon budget surplus ng Kamara de Representantes noong 2022 kahit pa lumaki ang gastos nito ng P934.41 milyon.

Batay sa datos ng Commission on Audit (COA), mula sa P2.64 bilyon noong 2021 ay tumaas ng 78 porsyento ang budget surplus ng Kamara.

Ayon sa 2022 Financial Statements ng Mababang Kapulungan, ang gastos nito sa Personnel Services (PS), Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), Financial Expenses, at Non-Cash Expenses ay naitala sa kabuuang P17.18 bilyon mas mataas sa P16.25 bilyon noong 2021.

Bahagyang lumaki ang gastos sa Personnel Services kasama ang sahod at benepisyo ng mga empleyado. Mula sa P4.8 bilyon ay naging P4.86 bilyon ito bunsod ng pagtaas ng sahod kaugnay ng ipinatupad na Salary Standardization Law.

Ang MOOE ay tumaas din mula P11.265 bilyon noong 2021 ay naging P12.13 bilyon noong nakaraang taon. Iniuugnay ito mga travel at indoor gathering bunsod ng mas maluwag na COVID-19 health protocol.

Sa ilalim ng foreign at local travels ay gumastos ang Kamara ng P486 milyon mula sa P480 milyon.

Tumaas naman ang “Other maintenance and operating expenses” na nasa ilalim ng MOOE mula 4.788 bilyon ay naging P5.406 bilyon noong 2022 dahil sa pagdami ng mga aktibidad gaya ng pagdinig ng mga oversight committee, public affairs at district operations ng mga miyembro ng Kamara gayundin ang pagdaraos ng face-to-face State of the Nation Address.

Bumaba naman ang gastos ng Kamara sa

– Supplies and materials expenses mula P118.08 milyon ay naging P73.38 milyon;

– utility expenses mula P83.72 milyon ay naging P79.79 milyon;

– communications expenses mula P272.45 milyon ay naging P268.27 milyon; at

– professional services mula P975.86 milyon ay naging P715.08 milyon.

Ang pinakamalaking pagbaba sa professional services ay dahil sa pagkonti ng consultancy services.

Ayon sa audit team, ang mga mambabatas at mga standing at oversight committee ay mayroon lamang 2,588 consultant noong 2022 mas mababa kumpara sa 3,092 consultant noong 2021.

Ang mga consultant ay ginagamit sa paggawa ng mga panukalang batas, pagsasagawa ng research, at iba pang technical legislative works.