Calendar

Social media platforms dapat may legislative franchise
IPINANUKALA sa Kamara de Representantes na gawing requirement ng mga social media platform ang pagkuha ng legislative franchise gaya ng mga mainstream TV network.
Sinabi nina Reps. Joseph Stephen Paduano, Robert Ace Barbers at Jose “Joboy” Aquino II—mga opisyal at miyembro ng House tri-committee na nagsisiyasat sa paglaganap ng fake news—ang pangangailangan para sa isang regulasyon kung saan maiiwasan, o magiging pinakamababa, ang maling impormasyon.
“I think it would be best if these social media platforms secure a legislative franchise in this Congress,” ang suhestiyon ni Barbers, na kumakatawan sa ikalawang distrito ng Surigao del Norte sa Mindanao, sa kanyang mga kasamahan sa Kamara.
“If you are under the franchise of this Congress, then you will be subject to the regulation that will be imposed under the law,” ani Barbers, na tumutukoy sa mga social media platforms tulad ng Youtube, Facebook at marami pang iba, dahil ang mga broadcast networks ay humihingi ng pag-apruba ng kanilang franchise sa Kongreso.
Si Paduano, kinatawan ng Abang Lingkod party-list, ay nagmungkahi naman na amyendahan ang Republic Act 11659 o Public Service Act, upang isama ng National Telecommunications Commission (NTC) sa listahan ng “public utilities” ang mga social media platform.
“I think we should amend our Public Service Act and include this in the list of public utilities. As far as I’m concerned, all the more that we have to do that,” ang alok niya, matapos aminin ng parehong Bureau of Internal Revenue (BIR) na ang socmeds ay wala sa kanilang nasasakupan dahil sa kawalan ng lokal na opisina.
“We don’t consider them (social media) public utilities because they don’t have any physical office here in the Philippines,” sagot naman ni NTC lawyer Kathlyn Jaylou Egipto.
Sumang-ayon naman ang mga kinatawan ng BIR na hindi nito saklaw ang social media platforms na walang opisina sa Pilipinas.
Sa kanyang bahagi, sinabi ni Aquino, chairman ng House committee on public information, na maaaring isailalim sa regulasyon ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang social media.
“I think the KBP and MTRCB should update and upgrade so that they can help the government. I just don’t think we should just sit here idly by and allow these abuses to happen,” ang pahayag ng kongresista mula sa unang distrito ng Agusan del Norte.
Inamin ni Atty. Yves Gonzalez, pinuno ng government affairs at public policy ng Google Philippines, na hindi sila miyembro ng KBP o MTRCB.
“I don’t believe so. I don’t think there’s a membership,” ang sinabi ni Gonzalez sa mga mambabatas.