Calendar
Social pension para sa Pinoy edad 60 pataas isinusulong
SINUSUGAN ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang mga panawagan na isama ang lahat ng Pilipinong edad 60 pataas sa saklaw ng buwanang social pension na ibinibigay sa mga indigent senior citizen.
“Sa mata ng batas, dapat pantay ang lahat.Walang dapat pinipili,” giit ni Estrada.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7432 o Expanded Senior Citizens Act, tanging mga indigent senior citizen lamang ang may karapatang tumanggap ng P1,000 buwanang social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Not all senior citizens are as lucky as those who receive pensions or have economic subsistence to support their daily needs. In fact, many of them are forced to find employment to supply their and their family’s needs,” ani Estrada, na ipinaliwanag ang layunin ng kanyang panukalang Senate Bill No. 2929.
Layunin ng Senate Bill No. 2929 ang pagkakaroon ng “universal social pension” na sasaklaw sa lahat ng senior citizen na Pilipino, anuman ang kanilang katayuang panlipunan.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Estrada, ang mga senior citizen na hindi itinuturing na indigent ay tatanggap din ng buwanang tulong na P500, na tataas sa P1,000 pagkalipas ng limang taon.
“This universal social pension is more than just a financial aid — it is a measure of social protection and empowerment for our elderly population,” aniya.
“It seeks to improve their quality of health, ensure their social inclusion, and help restore their dignity regardless of their age or economic status,” dagdag pa nito.
Kinilala ng panukala ang paglipat ng Pilipinas tungo sa pagiging isang aging population, na tinatayang aabot sa 13.2 milyong Pilipino na edad 60 pataas pagsapit ng taong 2030.
Nilalayon nitong tugunan ang mga hamon sa pananalapi na kinakaharap ng maraming nakatatanda na walang pensyon o matatag na pinagkukunan ng kita.
Ayon kay Estrada, sa kabila ng kasalukuyang pagsisikap ng gobyerno, marami pa ring senior citizen ang nahihirapan na tugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Bago ang paghain ni Estrada ng panukalang batas, humigit-kumulang 6,000 senior citizen ang nagsagawa ng rally sa Senado upang manawagan ng aksyon kaugnay sa mga kahalintulad na panukalang batas na nakabinbin sa Mataas na Kapulungan.
Inaprubahan ng House of Representatives ang katulad na panukala noong Mayo ng nakaraang taon.