BBM1

Solar irrigation project isinusulong ni Marcos

Chona Yu Feb 3, 2024
143 Views

PARA matugunan ang epekto ng El Nino, isinusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paggamit ng solar power irrigation sa bansa.

Sa talumpati sa ceremonial palay harvesting at distribution ng ayuda sa mga magsasaka sa Candaba, Pampanga, sinabi ni Pangulong Marcos na tinalakay na nila ito ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. matapos ang pagbisita kamakailan sa Vietnam.

Ayon sa Pangulo, mapapataas ng solar irrigation project ang produksiyon at kita ng mga magsasaka.

Sa isang unit aniya ng solar power irrigation ay kaya nitong makapag-patubig ng 20 ektarya ng lupain.

Libu-libong yuniy ng solat power irrigation ang balak na ipagawa ni Pangulong Marcos sa buong bansa.

“Ngayong taon, palalawakin din natin ang patubig para sa mga sakahan sa pamamagitan ng Philippine, ito ‘yung sinasabi ko, Philippine Solar-irrigation Project na mga Small-scale Irrigation Projects upang mapataas ang produksyon at kita ng ating mga magsasaka,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Pangako ni Pangulong Marcos, hindi pababayaan ang mga magsasaka.

“At bukod pa rito, naglaan tayo ng tatlumpu’t-isang bilyong-piso sa ilalim ng National Rice Program para sa taong 2024 upang pag-ibayuhin ang ating mga programa tulad ng production support, extension services, research and development, at, siyempre, ‘yung irrigation network services, ” pahayag ni Pangulong Marcos.

Inaasahang tatagal ang El Nino sa bansa hanggang sa buwan ng Hunyo ngayong taon.