Acop Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop

Solon: Probe sa confi funds ni VP Sara tuloy

91 Views

PATULOY na tututukan ng Kamara de Representantes ang imbestigasyon sa umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, sa kabila ng kanyang tila nakababahalang emosyonal na pahayag sa isang press conference.

“Sa ganang amin, ang pagtupad ng tungkulin ang pangunahing konsiderasyon. Trabaho po namin ‘yun eh. At dahil dito, dapat walang tigil ang pagsisiyasat para malaman kung ano talaga ang nangyari sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) noong siya pa ang Secretary,” ani Acop.

Ayon kay Acop, ang pagkawala ng composure ni Duterte ay tila indikasyon ng sobrang galit na nakakaapekto sa kanyang paghatol at paningin.

“I think she is being overwhelmed by anger and hate. ‘Pag ang isang tao ay sobra-sobra ang galit, nawawala siya sa sense of decency, sa aking paningin,” dagdag ni Acop.

Nais ng mga mambabatas na makakuha ng sagot kaugnay ng umano’y kakulangan ng transparency at accountability sa paggamit ng malaking halaga ng confidential at intelligence funds (CIFs) na inilaan sa OVP at DepEd habang si Duterte ang kalihim.

Sa kabila ng mga seryosong alegasyon, patuloy na tinatanggihan ni Duterte ang pagdalo sa congressional hearings upang linawin ang isyu at harapin ang mga paratang ng maling pamamahala sa pondo.

Sa halip na pagtuunan ang mga usapin kaugnay ng CIFs, naglabas si Duterte ng mga personal na atake laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at binuhay pa ang mga hinanakit mula sa halalan noong 2022.

Sa isang kontrobersyal na press conference, umani ng galit mula sa publiko at mga mambabatas ang kanyang mga pahayag tungkol sa pag-iisip na putulin ang ulo ni Pangulong Marcos Jr. at paghahagis ng labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. sa West Philippine Sea.

Nilinaw ni Acop na hindi sila titigil sa kanilang mandato na imbestigahan ang usapin, at ang pagbibigay ng leeway ay laban sa responsibilidad ng mga mambabatas na tiyakin ang transparency.

“‘Pag magbibigay kami ng leeway, hindi na po yata alinsunod sa aming mandato. Ganoon po ang paningin namin doon,” ani Acop.

Nang tanungin kung ang pag-uugali ni Duterte ay nagbibigay ng pangamba tungkol sa kanyang kalusugan sa pag-iisip, iminungkahi ni Acop na mas mabuting kumonsulta siya sa isang psychologist o psychiatrist upang masuri ng mga eksperto.