Gonzales

Solons kay Villanueva: Wag mo kaming maliitin congressman ka rin dati

123 Views

NAGPAHAYAG ng pagkadismaya ang mga kongresista sa mistulang pagmamaliit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa mga miyembro ng Kamara de Representantes.

Sinabi nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales at TGP Partylist Rep. Bong Teves na maraming kongresista ang nasaktan sa nais palabasin ni Villanueva na hindi maaaring ikumpara ang mga gaya niyang senador sa mga kongresista at ginamit ang analogy na hindi maaaring ikumpara ang mansanas at orange.

Sa kanyang talumpati mistulang sinabi ni Villanueva na kokonti lang ang bilang ng boto na nakukuha ng mga kongresista kumpara sa kanilang mga senador.

Ipinunto ni Gonzales na kung ibabatay sa porsyento ng mga botante, mas malaki ang nakukuha ng mga kongresista na marami ay walang unopposed kaya masasabi na 100 porsyento ang kanilang nakuhang boto sa distrito.

“Yung mga senador, mataas ang tingin sa aming mga kongresista kasi kami ang pinaka-kinatawan nila dito sa House of the People. Pag kami ang tinira mo, parang tinira mo ang mga tao namin sa baba, yung mga constituents namin,” sabi ni Gonzales.

“Kaya alam nyo po, napakasakit po nun. Kaya if you are going to extrapolate the numbers you garnered and the numbers we garnered, mas mataas po yung porsyento namin. If you are unopposed, 100% ng buong sinasakupan mo. Mahal ka nila at nirerespeto ka nila,” sabi pa ni Gonzales.

Ipinunto rin ni Gonzales na pantay ang sweldo ng mga senador at kongresista na patunay na parehas lang ang kanilang lebel sa gobyerno.

“Baka hindi natin alam ito, iyung salary pay grade ng Presidente is 33, Vice President is 32, ang Chief Justice is 32, ang Speaker of the House is 32, ang Senate President is 32. Ang members of the Senate is 31 at ang salary pay grade ng Congressman is 31,” sabi ni Gonzales.

“So ibig sabihin, hindi natin puwedeng ikumpara dun. Sa salary grade natin ikumpara, pareho lang tayo. Kaya walang Lower House o Upper House sa Konstitusyon,” dagdag pa nito.

Ayon kay Teves pareho lang ang layunin ng mga senador at kongresista na mapabuti ang pamumuhay ng mga Pilipino.

“Kaya please, iisa lang po ang ating hangarin. Ang hangarin po natin ay ayusin ang ating bansa, pagkaisahin, patatagin, palakasin at suportahan ang Bagong Pilipinas na gusting mangyari ng ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,” sabi ni Teves.

“Ang hangarin ng Senado ay ayusin, palakasin ang ating bansa. Ang hangarin po ng mga congressman at congresswoman ay palakasin, palaguin, iangat ang ating bansa. Iisa po ang ating interes, may common interest po tayo, ang common interest po natin ay para sa ating bayan,” dagdag pa nito.

Umapela rin ito sa mga senador na tigilan na ang pag-atake kay House Speaker Martin G. Romualdez sa isyu ng pag-amyenda sa Konstitusyon.

“May pahabol lang ako sa aking mga kaibigan sa Senado. Mga senador, kung puwede po tigilan na itong personal na paninira sa aming Speaker. Ayaw na po naming lumalim ito. Ayaw na po naming lumalim ang usaping ito,” sabi pa nito.

“Tigilan na po ninyo ang paninira, ang mga pangit pakinggan na hindi puwedeng gayahin ng susunod na henerasyon. Kaya sa inyong lahat, magtrabaho po tayo ng maayos. Marami po tayong problema at I have said, ayaw na po naming lumalim ito. Tigilan na po ninyo ang paninira sa aming Speaker,” dagdag pa ni Gonzales.