Calendar
Solusyon sa problema ng teenage pregnancy nagsisimula sa loob ng bahay — Tulfo
TALISAY CITY, NEGROS OCCIDENTAL – Ipinahayag ni House Deputy Majority Leader at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial candidate Erwin T. Tulfo na ang solusyon sa lumalalang “teenage pregnancy” ay nagsisimula sa loob ng bahay.
Binigyang diin ni Tulfo na anomang pag-aaral at pagtuturo ang gawin para sa mga bata para sila ay makaiwas sa teenage pregnancy ay hindi parin “magsi-sink” in o maikikintal sa kanilang mga isip dahil dapat itong mag-umpisa sa loob ng pamamahay.
Paliwanag ni Tulfo na ito ay sa pamamagitan ng monitoring ng mga magulang partikular na sa mga anak nilang babae, proper guidance at ang pinaka-mahalaga sa lahat aniya ay ang pakikipag-komunikasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak.
“I believe teenage pregnancy starts at home na anomang pag-aaral, pagtuturo sa mga bata. Hindi magsi-sink in eh’, it should start with the family. Monitoring by the parents, guidance and most of all communication,” wika ni Tulfo.
Sinabi pa ni Tulfo na ang kawalan ng komunikasyon sa loob ng tahanan sa pagitan ng mga magulang at mga anak ang isa sa mga posibleng kadahilanan kaya nagkakaroon ng teenage pregnancy dahil pag-uwi ng bata sa kanilang bahay ay wala naman itong ibang nakakausap sapagkat ang kaniyang mga magulang ay busy sa trabaho.
“Pag-uwi nung bata sa bahay wala siyang ibang makausap. Either yung nanay o yung tatay nagta-trabaho busy sa kanilang trabaho, hindi mo rin masisi yung bata walang makausap at yung yaya lang ang nakaka-usap tapos manonood ng Netflix, manonood ng mga YouTube at kung ano-ano,” sabi pa ni Tulfo.
Dahil dito, muling iginiit ng APBP Senatorial bet na upang marerolba ang tumitinding problema ng bansa kaugnay sa teenage pregnancy. Ito ay kinakailangang mag-umpisang ayusin sa loob ng tahanan.