ROTC ROTC swimming competitions sa Mindanao.

Somera ratsada sa ROTC Games Mindanao

167 Views

ZAMBOANGA CITY – Muling kumutitap si Philippine Army cadet Jellie Somera matapos idagdag sa mga naikuwintas sa kanya ang dalawang gintong medalyang napanalunan sa medal-rich swimming competition ng 2nd Philippine Reserve Officers Training Course (ROTC) Games 2024-Mindanao Qualifying Leg na ginanap sa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex Aquatic Center.

Nasungkit ni 21-year-old Somera, isang 3rd year BS Criminology sa Northern Mindanao Colleges Incorporated, ang gold medal sa women’s 200m freestyle sa oras na 3:25.62 minuto at 100m backstroke sa nilistang 1:38.69 minuto.

Rumatsada noong Lunes si Somera sa women’s 100m freestyle (1:22.38) at sa 50m backstroke (41.55) para sa kabuuang apat na gintong medalya para sa Army.

Kumalawit din ng dalawang ginto si Jovaira Valle para sa Army nang pagwagian ang women’s 50m breastroke sa nirehistrong 50.23 segundo at women’s 100m butterfly sa tiyempong 1:59.92 minuto.

Kapareho ni Somera, apat din ang naiuwing ginto ni Valle matapos manalo noong Lunes din sa women’s 200 IM (4:13.62) at 50 fly (45.30).

Samantala, pabida si Jenny Rose Ibanes ng Philippine Air Force mula sa Western Mindanao State University nang angkinin ang gintong medalya sa athletics event ng women’s division 1,500 meter matapos ipasa ang oras na 7:52.5 minuto.

Si Philronne James Orcia ang nagwagi sa men’s division 1,500 meter sa oras na 5:11.1 minuto, tulad din ni Ibanez na isang Philippine Air Force cadet sa parehong eskuwelahan.

Kuminang naman sa Army sina Jessa Corpuz ng Tangob City Global College sa women’s 1,500m (5:34.5) at AJ Calago ng Jose Rizal Memorial State University sa men’s 1500m (4:32.2).

Nanalo naman sa Philippine Navy sa 1,500 meter men’s division si Alec Rowen Garcia ng Zamboanga State College of Marine Sciences and Technology, (4:59.8).

Ang nasabing 6-day sportsfest para sa cadet-athletes mula sa colleges at universities sa Mindanao na tatagal sa Hunyo 29 ay suportado ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni Chairman Richard Bachmann habang si Senator Francis Tolentino ang utak ng event.

Magpapatuloy ang aksyon ngayong araw, tiyak na buntalan ang masasaksihan sa boxing at taekwondo.