PBBM

SONA wishlist ni Ortega: Tutukan mga programang may direktong epekto sa mga lalawigan

211 Views

UMAASA si La Union 1st District Representative Paolo Ortega V na bibigyang-pansin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ang mga programang may direktang epekto sa mga lalawigan— gaya ng turismo, agrikultura, imprastruktura, edukasyon, at kalusugan—na aniya’y mahalagang bahagi ng kaunlaran sa kanyang distrito.

“Well ako, I’m taking an approach from my district. Alam nyo naman na taga-La Union naman ako so, I’m from the North. I’m from Region 1,” pahayag ni Ortega, ng House Young Guns, sa isang press conference bago ang SONA ng Pangulo sa Hulyo 28. “Gusto ko makita ‘yung mga iba’t ibang plano nila for tourism, infrastructure, agriculture and education tsaka health.”

Ang La Union, na kilala rin sa tawag na “Elyu,” ay isa sa mga nangungunang destinasyon sa bansa pagdating sa beach at surfing tourism, at patuloy na dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista.

Ibinahagi ni Ortega, isang Deputy Majority Leader ng 19th Congress, ang malaking ambag ng turismo sa ekonomiya ng kanilang lalawigan.

“Nakasama ko kayo nung nag-file tayo nung local bills ko ‘di ba so, for two years halos P2 billion ang income namin sa turismo,” ani Ortega. “Hindi lang naman turismo ‘yan, syempre iba’t-ibang factors rin ‘yan kasama. Pero majority noon nanggagaling sa mga influx ng mga visitors namin sa province.”

Dagdag pa niya, gusto niyang marinig kung ano ang plano ng gobyerno para sa pangmatagalang pag-unlad at pangangalaga ng likas na yaman sa gitna ng paglago ng turismo.

“So parang gusto kong makita kung ano ‘yun what’s next for tourism as well kasi nakita naman natin nandyan ‘yung mga access roads. So madaling pumunta sa aming probinsya,” aniya.

Tinukoy rin ni Ortega ang hamon sa pagpapanatili ng likas na yaman at komunidad sa gitna ng pagdagsa ng mga turista.

“Pero parang gusto ko makita kung ano pa ‘yung bagong programa nila for that, ‘yung sustainability, ecotourism, yung tourism as a whole,” dagdag niya.

Binanggit din ni Ortega ang kahalagahan ng suporta sa agrikultura, lalo na sa mga lugar kung saan hirap pa rin ang mga magsasaka sa mataas na gastos at mahinang farm-to-market access.

Giit ng mambabatas, mahalaga ang malinaw na plano mula sa administrasyon kung paano bibigyang-balanseng pag-unlad ang agrikultura at turismo.

Bilang panghuli, iginiit ng mambabatas ang pangangailangan ng dagdag na pamumuhunan sa sektor ng edukasyon at kalusugan, lalo na sa mga probinsya.

Hiling ni Ortega, “Kung gusto nating maging pantay-pantay ang oportunidad sa buong bansa, kailangang siguruhin nating may maayos na serbisyong pang-edukasyon at pangkalusugan hindi lang sa NCR, kundi pati sa mga rehiyon.”