DOTR

Sorry ng Florida Bus Co sinupalpal ng DOTR

Jun I Legaspi Jun 10, 2025
366 Views

HINDI tinanggap ni Transportation Secretary Vince Dizon ang paliwanag at paghingi ng paumanhin ng Florida Bus Co. matapos mag-viral ang insidente ng karerahan ng mga driver nito sa national highway sa Cagayan noong June 8.

Sinuspinde ng 30 days ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng 15 bus ng Florida Bus Co.

“Hindi porket walang nasaktan, walang nadisgrasya eh ganon ganon na lang. I saw the statement and apology of the Florida Bus Co. and I’m telling them now: ‘apology not accepted,'” giit ni Secretary Dizon.

Suspendido ng 30 araw ang 15 bus ng Florida Bus Co. na may rutang Sta. Ana hanggang Sampaloc sa Cagayan at sa rutang Baguio hanggang Apayao.

Sinuspinde rin ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng mga sangkot na driver ng 90 araw at sasailalim ang lahat ng driver ng kumpanya sa mandatory drug test.

“Sa mga driver ng bus na iyon, mahirap mawalan ng trabaho ngayon. Pero dahil sa kalokohan na ginawa ninyo, 90 days wala kayong trabaho at pag nahuli namin ang Florida Bus Co. na pinapamaneho pa ang mga drivers na iyon, pasensyahan tayo,” dagdag pa ng kalihim.